Si Alfredo Maria Aranda Obviar (Agosto 29, 1889 – Oktubre 1, 1978) ay isang Pilipinong "Lingkod ng Diyos" na pinagpipitagan sa Simbahang Katoliko. Siya ang nagtatag ng Misyonerong Katekista ni Santa Teresa ng Batang Hesus. Siya rin ay nanilbihan bilang obispo ng Diyosesis ng Lucena mula nang ito'y itatag ito noon 1950, hanggang siya'y magretiro noong 1976. Ang kawsa ng kanyang beatipikasyon ay isinasagawa na, matapos siyang hirangin bilang Alagad ng Diyos noong Marso 6, 2001 na may protocol sa pagkasanto bilang: 2398.[1]
Si Alfredo Obviar ay ipinanganak sa Lipa, Batangas at kaisa-isang anak ni Telesforo Obviar at Florentina Catalina Aranda. Naulila si Obviar nuong siya'y apat na buwan pa lamang at mula noon ay inaruga na ng kanyang mga kamag-anak mula sa partidos ng kanyang ina. Pumasok si Obviar sa seminaryo ng mga Heswita noong 1907 at siya'y at nakatapos ng kursong Liberal Arts sa Ateneo de Manila. Pinagpatuloy ni Obviar ang kanyang pagpapari sa seminaryo ng Unibersidad ng Santo Tomas. At noong Marso 15, 1919, siya ay inordinahan bilang pari.[2]
Nanilbihan bilang kura paroko sa mga bayan ng Malvar at Lipa sa Batangas si Obviar. Itinalaga siya bilang siyang Bikaryo-Heneral ng Diyosesis ng Lipa ng Obispo ng Lipa na si Obispo Alfredo Verzosa. Tumayo rin si Obviar bilang taga-kumpisal at tagapangalaga ng mga Carmelite sa Lipa.[2]
Sa monasteryo ng mga Carmelite nasabing nangyari ang napabalitang aparisyon ng Birheng Maria kay Teresita Castillo, isang kandidata sa pagka-nobisyo. Sumangguni kay Obviar si Madre Superyora Cecilia de Jesus ng monasteryo ng Carmelite, matapos umano hilingin ng Mahal na Birhen na mabasbasan ang lugar ng kanyang pinagpapakitaan. Humiling ng senyales si Obviar na ang mga nasabing kababalaghan at nagmula sa langit, at nang mabulag at muling makakita si Castillo, siya'y naniwala.[3] Nang hindi kilalanin ng komisyon na nagimbestiga sa nasabing aparisyon na ito'y "nararapat mapaniwalaan," siya ay nanahimik na lamang bilang paggalang sa nasabing desisyon.
Inilayo sa Lipa si Obviar at itinalaga na lamang bilang apostolikong tagapangasiwa ng bagong-tayong Diyosesis ng Lucena noong 1950. Dito kanyang itinatag sa bayan ng San Narciso, Quezon ang Misyonerong Katekista ni Santa Teresa ng Batang Hesus.[1][2] Noon na lamang 1969, nang siya'y hirangin bilang ganap na Obispo ng Diyosesis ng Lucena. Nagretiro si Obviar sa pagka-obispo noong 1974 at nagsilbing residenteng obispo ng diyosesis hanggang siya'y yumao noong Oktubre 1, 1978, ang kapistahan ni Santa Teresa ng Lisieux.