Eduardo Hontiveros

Si Padre Eduardo Pardo Hontiveros, S.J. (20 Disyembre 1923 - 15 Enero 2008), kilala rin bilang Fr. Honti, ay isang Pilipinong Heswitang manlilikha ng awit at musikero, mas kilala sa kanyang mga ambag sa larangan ng musikang liturhikal (pansimbahan) sa Pilipinas.

Isinilang siya sa Molo, Lungsod ng Iloilo, ang panganay sa walong magkakapatid. Ang mga magulang niya ay sina Jose Hontiveros at Vicenta Pardo. Nag-aral siya sa Mababang Paaralan ng Capiz at lumipat sa Mataas na Paaralang Ateneo de Manila, kung saan nagtapos siya noong 1939. Pumasok siya sa Seminaryo ng San Carlos mula 1939 hanggang 1945, at tinanggap sa Orden ng mga Heswita (Society of Jesus) noong 1945; una siyang nanumpa bilang isang nobisyo noong 1947. Nag-aral siya ng teolohiya sa Estados Unidos noong 1951, at inordenahan ni Kardinal Francis Spellman noong 1954.

Alinsunod sa atas ng Ikalawang Konseho ng Batikano (Vatican II) sa pag-aangkop ng banal na misa sa bawat wika at bayan, sinimulang lumikha ni Fr. Honti ng mga awiting pangliturhiya noong Dekada Sisenta, kung saan nilayon niyang gumawa ng mga awiting matutunan kaagad ng mga tagapagsimba sa parokyang pinamamahalaan ng mga Heswita sa Barangka, Marikina. Ito ang simula sa kilusang nagbunsod sa ngayo'y itinuturing na "musikang Heswita" o "Jesuit Music".[1]

Ilan sa kanyang mga likha ay ang Papuri sa Diyos, Ang Puso Ko'y Nagpupuri (hango sa Magnificat), Maria, Bukang-liwayway, Pananagutan at marami pang iba. Nalimbag, ipinakalat at inawit ang kanyang mga kanta sa maraming mga parokya sa Pilipinas at maging sa ibayong dagat; ang kanyang Papuri sa Diyos ay minsang inawit sa Basikila ni San Pedro sa Roma.[2]. Ang kanyang patnugutan ay ang Jesuit Music Ministry na nakabatay sa Pamantasang Ateneo de Manila.

Nagkaroon ng stroke si P. Hontiveros noong 1991, at dahil dito ay nagkaroon siya ng kapansanan sa pagkilos at pananalita. Noong ika-apat ng Enero, 2008, natagpuan siyang nakahandusay at walang-malay sa mga pasilyo ng Loyola House of Studies sa Ateneo; dahil dito ay natuklasang siya ay nagkaroon ng isa pang stroke.[3]. Ipinahayag ng mga doktor ang kanyang kamatayan noong ika-15 ng Enero, 2008. Ang kanyang libing ay iinaos noong ika-19 ng Enero. Dumalo si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang libing, at inihandog sa pamilya Hontiveros ang isang natatanging pagkilala ng pamahalaan ng Pilipinas sa kanyang mga kontribusyon.[4]


Mga Sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. http://www.jesuits.ph/New%20Web/jmm_about.html Go S.J., Johnny. About JMM.
  2. http://www.adnu-alum.org/archive/apos1003.asp Naka-arkibo 2015-03-29 sa Wayback Machine. Seeing Christ in the Word: The Ministry of Jesuit Communications
  3. http://www.jesuits.ph/articles/frhonti3 Naka-arkibo 2008-01-23 sa Wayback Machine. Fr. Manoling Francisco, SJ, "Fr. Honti: A Most Sublime Song to God".
  4. http://www.news.ops.gov.ph/photos-jan2008/photo1-011908.htm[patay na link] Office of the President-Office of the Press Secretary