Francisco Marcos Carreón | |
---|---|
Si Francisco M. Carreón, nakaupo ikalawa mula sa kaliwa, kasama si Macario Sacay, ikatlo mula sa kaliwa at ang iba pang mga kawani ng Republika ng Katagalugan. | |
Ibang pangalan: | Francisco M. Carreón |
Lugar ng kapanganakan: | Cotabato, Mindanao, Pilipinas |
Pangunahing organisasyon: | Katipunan Republika ng Katagalugan |
Si Francisco Marcos Carreón (Oktubre 5, 1868-1939/41) ay isang Pilipinong opisyal noong kapanahunan ng Himagsikang Pilipino laban sa Espanya at noong Digmaang Pilipino-Amerikano. Bilang Pangalawang Pangulo sa Republika ng Katagalugan ni Macario Sakay, ipinagatuloy niya ang digmaan laban sa Estados Unidos hanggang sa paglaho ng republika noong 1906. Nahuli siya noong ika-14 ng Hulyo 1906 at nakulong sa lumang Kulungan ng Bilibid; pinatawad ang kanyang mga kasalanan noong 1930 at siya'y napalaya.
Si Carreón ay ipinanganak noong ika-5 ng Oktubre 1868 kay Espiridion Carreón at Jacinta Marcos sa bayan ng Cotabato sa pulo ng Mindanao.[1] Nag-aral siya sa Trozo, Manila, matapos lumipat doon noong kanyang kabataan. Nang siya'y lumaki, nagtrabaho siya bilang isang panday tapos bilang isang machacante sa Tondo, kung saan nakatatanggap siya ng isang peseta bawat linggo sa parehong trabaho. Matapos manilbihan sa isang negosyong pagmamay-ari ng kanyang tiyuhin sa Intramuros, sumali siya sa Cuerpo de Caribiñero ng pamahalaang Kastila noong 1886. Ikinasal siya kay Bibiana Bastida, at nagkaron sila ng isang anak na namatay.[2]
Noong 1892, si Carreón ay sumanib sa Katipunan matapos sumali ang kanyang kamag-anak na si Emilio Jacinto. Nagsimula ang kanyang paninilbihan sa kalipunan bilang pinuno ng Balangay Silanganan ngunit lumipat din siya sa ibang sangay ng nito, ang Balangay Dapitan. Habang siya ay gumaganap bilang kosehal ng Katipunan, nanilbihan din siyang guwardya sibil amatapos lumipat mula sa Cuerpo de Caribiñero.[2] Sa kapanahunan ng Himagsikang Pilipino, nakipaglaban siya sa Labanan ng Tulay ng Zapote sa Cavite noong ika-17 ng Pebrero 1897.[3] Kumampi si Carreón kay Andres Bonifacio nang maakusahan si Bonifacio ng pagtataksil at nagbigay pa siya ng panayam para ipagtanggol ito. Subalit, nanatiling matatag ang hatol at si Bonifacio ay ibinitay. Lumiit ang kanyang naging papel sa kalipunan matapos ng pangyayaring ito hanggang sa magsimula and Digmaang Pilipino-Amerikano.[2] Pero kahit papano, mayroon pa ring kaalaman si Carreón sa mga pangyayari sa kalipunan gaya ng tangkang pagtakas kay Jose Rizal sa pamamagitan ng pagpapanggap ni Emilio Jacinto bilang isang alila.[1][4]
Matapos sumuko so Emilio Aguinaldo sa Estados Unidos, si Carreón, kasama sina Macario Sacay at Lope K. Santos, at ang iba pang dating miyembro ng Katipunan, ay ginawa ang Partidong Nacionalista (di tulad ng kasalukuyang Partido Nacionalista), at itinatag ang Republika ng Katagalugan. Bilang Pangalawang Pangulo at Pinunong Kawani, nakipaglaban si Carreón sa Estados Unidos kasama ng iba pang kasapi sa republika.[1][2][5] Noong ika-14 ng Huly 1906, habang itinatatag ang Pambansang Asembliya ng Pilipinas, ang mga kasapi sa republika, kasama si Carreón, ay pumasok sa Maynila ngunit hindi sila dinakip ng mga namamahalang Amerikano. Sa parehong araw, pumunta sila sa isang pista sa Cavite, ngunit sila ay nadakip doon. Isa pala itong patibong para mahuli ang grupo. Kinasuhan sila bilang mga bandido at nakulong sila sa lumang Kulungan ng Bilibid. Noong ika-6 ng Agosto, nahatulan siya ng pagkakakulong ng habang-buhay. Masuwerte siya dahil si Sacay naman ay ibinitay noong ika-13 ng Setyembre. Pinalaya siya noong taong 1930 matapos patawarin ang kanyang mga sala.[1][2][6][7]