Mariz Umali | |
---|---|
Kapanganakan | Marie Grace Michelle Umali 4 Marso 1980 |
Nasyonalidad | Pilipino |
Nagtapos | Unibersidad ng Pilipinas |
Trabaho | Mamamahayag, punong-abala sa telebisyon |
Aktibong taon | 2001–kasalukuyan |
Amo | GMA Network |
Telebisyon | Balitanghali, I-Witness, Born to Be Wild |
Asawa | Raffy Tima (k. 2012) |
Si Marie Grace Michelle Umali-Tima, o mas kilala bilang Mariz Umali (ipinanganak noong Marso 4, 1980), ay isang Pilipinang mamahayag sa telebisyon. Kilala siya bilang tagapagbalita ng Balitanghali ng GMA News TV tuwing Sabado at Linggo.[1] Nagtapos siya Unibersidad ng Pilipinas Diliman sa kursong Pangmadlang Komunikasyon ngunit nagsimula siya bilang mag-aaral sa kursong Parmasiya.[2][3] Nagsimula siya sa GMA Network bilang isang mananaliksik/prodyuser ng balita para sa pag-ulat ng halalan noong 2001.[2] Bukod sa Balintanghali, napabilang din siya sa mga programang dokumentaryo na I-Witness,[4] Out of Control[5] at Born to Be Wild.
Nais maging doktor ni Mariz Umali kung kaya't kinuha niya ang mga kursong may kaugnay sa medisina, ang kursong Parmasiya, ngunit lumipat si Umali sa kursong Pangmadlang Komunikasyon sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman (UPD) kung saan nagtapos siya bilang cum laude.[2][6] Noong 2000, tumakbo siya bilang Tagapangulo ng Konseho ng Mag-aaral ng UPD ngunit natalo siya kay Raymond Palatino[7] na ang hinaharap na Kinatawan ng Kabataan Partylist sa Kapulungan ng Kinatawan ng Pilipinas. Naging kasapi si Umali sa UP-CMC Broadcast Association na organisasyon ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon ng UPD.[8]
Noong halos 21 gulang pa lamang si Umali, nagsimula siya bilang prodyuser/mananaliksik ng GMA Network para sa pag-uulat sa halalan ng Pilipinas noong 2001 at sa kalaunan naging tagapag-ulat siya. Isa sa mga tinuturing niyang malaking oportunidad sa kanyang karera ay ang eksklusibong panayam sa mga pinaghihinalaang pumatay kay Nida Blanca noong 2001.[2] Nagkaroon din siya ng ilang mapanganib na pag-uulat tulad ng pag-uulat sa Himagsikan sa Manila Peninsula at sa Bagyong Pepeng.
Bukod sa pag-uulat, si Umali ay naging tagapagbalita at punong-abala ng ilang mga programa sa GMA Network at GMA News TV tulad ng Balitanghali, News TV Live, Born to Be Wild[9] at Out of Control. Nagbigay din siya ng balita sa dating bawat-oras na balitang programa ng GMA Network na GMA Flash Report. Sa programang Hired ng dating QTV-11 na GMA News TV na ngayon, ginawaran siya ng Tatak Anak TV.[2][10] Sa programang Kape at Balita, nanomina si Umali at ang kanyang mga kasamang sina Susan Enriquez, Joel Reyes Zobel, Michael Fajatin at Valerie Tan bilang mga Magagaling na Punong-abala ng isang Pang-umagang Programa ng Star Awards para sa Telebisyon noong 2013.[11] Sa mga ilang mga pagkakataon, naiimbita si Umali bilang punong-abala o tagapasalita sa mga iba't ibang mga kaganapan.[12][13]
Noong 2016, sa panayam niya sa papasok na Pangulo ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte, sinutsutan siya nito.[14] Dahil dito, nagkumento ang kanyang asawang si Raffy Tima na hindi wasto at kawalan ng respeto sa babae ang ginawa ni Duterte sa kanyang asawa.[15] Hindi na umaasa si Umali ng isang apolohiya mula kay Duterte.[16] Bagaman, sinabi ng tagapagsalita ni Duterte na si Salvador Panelo na hindi naman hinangad ni Duterte na saktan ang damdamin ni Umali.[17] Dagdag pa ni Panelo na tingnan lamang ang pagsutsot bilang biro o papuri (compliment).[18]
Lumaki si Umali sa katuruang Katoliko at ipinagmamalaki niya ito.[12] Si Umali ay kinasal kay Raffy Tima, na isa ring mamahayag ng GMA Network, noong 2012.[19] Nakasama niya si Tima sa GMA Network noong pang 2001 sa programang Reporter's Notebook. Noong 2012 din, napabilang si Umali sa isa sa mga magaganda o hottest na mamamahayag ayon sa Spot.ph, isang websayt pang-libangan.[20]