Ang mga tagapanimula ng potograpiya sa Pilipinas ay mga Kanluraning litratista, na mula sa Europa ang karamihan. Ang gawaing pagkuha ng mga larawan at ang pagbubukas ng mga unang mga litratuhan (mga estudyo) sa Pilipinas noong kapanahunan ng mga Kastila, mula sa mga dekada ng 1840 hanggang 1890, ay nabigyang-daan ng mga sumusunod na kadahilanan: ginamit ang mga litrato para sa mga balita at impormasyon hinggil sa katayuan ng kolonya, bilang mga kasangkapan sa panghihikayat ng mga turista, bilang aparatong nakatutulong sa larangan ng antropolohiya, bilang kagamitan na nakapagpapakita ng katayuan sa lipunan, bilang instrumentong nakapagtatala ng mga pangyayari sa kasaysayan, isang kasangkapan sa pakikipagugnayan, para sa mga propaganda, at bilang sanggunian para sa mga ilustrasyon (mga akdang-giuhit) at sa larangan ng pag-uukit. Ang gawaing pang-potograpiya sa Pilipinas ay hindi walang impluwensiya at daloy ng pumapasok na mga diwang-pansining mula sa Kanluran patungo sa loob ng kapuluang kolonisado.[1]
Ang mga simulain ng larangan sa paglilitrato sa Pilipinas ay nagmula pa noong taon ng 1840, kung kailan kinuha dalawang napangalagaang larawan ng Intramuros, Maynila at ng litratistang si W. W. Wood. Datapwa, ang unang naitalang pagkakataon ng paggamit ng potograpiya sa Pilipinas ay nabanggit sa pahina ng isang aklat na isinulat ni Sinibaldo de Mas noong 1843. Si Sinibaldo de Mas ay isang manlalakbay, diplomata, at makatang Kastila. Pinaniniwalaan na gumamit si de Mas ng isang dageryotipong kamera noong 1841. Mas lalong naging pangkaraniwan ang pagkuha ng mga larawan sa Maynila at sa iba pang mga bahagi ng Pilipinas mula noong 1860 hanggang sa mga sumunod pang mga taon. Bagaman pinaniniwalaan na ang pinakaunang mga estudyo ng mga litratista ay nabuksan sa Pilipinas noong mga dekada ng 1850, ang unang nalalamang pinakamagalaw na pamamalakad ng estudyong pangpotograpiya ay yung pag-aari ni Albert Honnis, isang litratistang mula sa Britanya. Kinikilala bilang isang litratistang naninirahan at namamalagi na sa Pilipinas mula 1865 hanggang sa mga dekado ng 1870, si Honnis ay isang tanyag na tagalikha ng mga pambentang tarhetang pang-turista at ng mga kabighabighaning mga larawan ng tao. Dahil sa takdang-gawain ni Honnis - bilang isang hinirang ng litratista ng Kompanyang Russell & Sturgis, isang bantog na bahay-kalakal ng asukal mula sa halamang tubo noong mga kapanahunang iyon - nakapaglikom siya ng mga litratong may magagandang mga tanawin ng Kastilang Maynila at ng Ilog Pasig (ang Vistas de Manila, o Mga Tanawin ng Maynila). Maliban kina Sinibaldo de Mas at W. W. Wood, ang iba pang mga tagapagsimula (mga piyonero) ng negosyo sa potograpiya sa Pilipinas ay sina Francisco van Camp, na isang litratistang Olandes; sina Manuel Maidin, Pedro Picón, isang litratistang Aleman na pinangalanang Enrique Schüren; sina C. Bonifás, E. M. Barretto, Francisco Pertierra, Manuel Arias Rodriquez, L. González, at ang litratistang Amerikano na si Dean Conant Worcester.[1]
Ang unang katibayan ng paggamit ng mga litrato tungkol sa mga tanawin sa Pilipinas, bilang batayan ng mga ginuguhit na larawan para sa mga lathalaing babasahin, katulad ng mga magasin at gabay sa paglalakbay, ay ang aklat na inakdaan ni Feodor Jagor noong 1875, ang Reisen in der Philippinen (Paglalakbay sa Pilipinas). Si Jagor ay isang litratistang Aleman. Nang maisalin mula Kastila ang Reisen in der Philippinen, itinuring itong isa sa mga pinakamainam na aklat pang-manlalakbay, sapagkat tinatalakay nito ang mga pangyayari sa mga pagbisita ni Jagor sa Pilipinas noong 1859 at 1860.[1]
Ang pang-araw-araw na buhay ng mga isinaunang Pilipino at mga dayuhang misyonero ay naisalarawan sa Provincia de Cagayan (Lalawigan ng Cagayan), isang album na nakatabi sa Museo Nacional de Antropología (Pambansang Museo ng Antropolohiya) ng Madrid. Nakatala sa album na ito, na pinaniniwalaang nalimbag sa pagitan ng 1874 at 1880, ang mga pamamaraan sa pagtatanim at pag-aani ng tabako na ginagamit sa Luzon noong ika-19 dantaon. Naglalaman din ito ng mga litrato na nagpapakita ng mga katutubong gawi, libangan, at kaugalian.[1]
Bagaman may kahirapan sa pagpapatong ng kapangyarihan ang mga Kastila sa muslim na Mindanao, naisagawa pa rin ng mga album na Recuerdos de Mindanao (Mga Alaala ng Mindanao) at ang pang-1892 akdang Vistas de las poblaciones de Cottabato, Rio Grande de Mindanao, Joló, Liangan, Monungam,… y de tipos indigenas, asi como de tropas españolas en Filipinas (Mga Tanawin ng mga bayan ng Cotabato, Malaking Ilog sa Mindanao, Jolo, Liangan, Monungam, at ng mga uri ng katutubo, maging ng mga kawal na Kastila sa loob ng Pilipinas). Nailarawan ng mga litratong ito ang mga tanawin ng Mindanao, mga nasasakupan ng mga sultan (sultanato), at mga katayuan sa buhay ng mga muslim na Pilipino at maging ng mga Kastilang kawal at misyonero.[1]
Sa pamamagitan ng pagkakaroon na ng potograpiya noong ika-19 dantaan, napangalagaan din ang mga namamasid na katibayan ng mahirap na katayuan ng pamumuhay sa mga pook na tropiko. Sa tulong ng mga kamera at ng mga litratista - dalubhasa man o hindi - napatunayan ang katotohanan na may mga likas na sakuna at kaganapan sa Pilipinas, katulad ng mga lindol, bagyo, pagsabog ng bulkan at pagkasunog ng mga kagubatan. Ang kinahinatnan ng lindol noong 1863 ay nasaksihan at naitala ni Martinez Hébert, isang litratista ng Maharlikang Kabahayan ng pamahalaang Kastila, habang ang kapinsalaang sanhi ng mga paglindol noong 14 18 Hulyo 20 at 22, 1880 ay nahagip ng mga lenteng pangkamera ng potograpong Olandes na si Francisco van Camp.[1]
Ang katayuan ng mga pagawaing-bayan sa Pilipinas ay naitala sa isang album ng 1887, ang Obras del Puerto de Manila (Mga Pagawain sa Panganlungang Pambapor ng Maynila), at sa isa pang aklat na inilatha ng Lupon ng Puwerto ng Maynila noong 1896. Ang mga gumagana at mga itinatayong mga parola mula 1889 hanggang 1893 sa Pilipinas ay naitala sa Obras públicas: Faros (Pagawaing Bayan: Mga Parola). Isinagawa ang pagtatalang ito ng Arkibo ng Marangal na Palasyo ng Madrid.[1]
Nabawasan ng pagkakalikha ng mga litrato ang pangangailangan ng mga antropologo na maglakbay sa mga pook na katulad ng Pilipinas para lamang maisagawa ang kanilang mga gawain. Naging isa sa mga mahahalagang pangalawang sanggunian ng mga antropologo ang mga litrato para sa kanilang mga pag-aaral. Subalit, sa kabila ng mga kahigtan at kaginhawan, ang potograpiya ay naging sanhi din ng pagkiling ng mga litratista at ng mga antropologo mismo na manipulahin ang kanilang mga litrato at mga paksa nila, katulad ng mga pakunyaring tagpuan para lamang makamit ang mga layuning pang-agham. Isa pang kabalikat na suliranin ng manipulasyong ito ang pagtatalaga sa isipan ng mga Kanluraning grupo ng mga dalubhasa sa agham ng mga inaakalang-gawi (esteryotipong katangian) ng ibang mga tao. At nagkaroon din ng pagkiling sa paglikha ng mga halimbawang paksa na nagiging sanhi ng "mahalay na paninilip", sapagkat ang karamihan sa mga katibayang litratong nakatha ay mga larawan ng mga katutubong kababaihan na lantad ang mga pang-itaas na bahagi ng katawan.[1]
Ang isa sa pinakaunang litratistang Pilipino ay si Félix Laureano. Nakatuon ang kaniyang mga akdang-litrato, katulad ng En el baño (Sa Loob ng Paliguan) at Cuadrilleros (Mga Manggagawa) sa hugis ng tao, mga sabong, at torohan (pagtatanghal ng taong torero at ng bakang toro) sa Pilipinas. Siya rin ang naging pinakaunang litratista na nakapagpalimbag ng isang aklat ng mga litrato tungkol sa Pilipinas (ang Recuerdos de Filipinas, o Mga Alaala ng Pilipinas) sa Barcelona noong 1895. Kinikilala rin si Laureano bilang "pinakaunang artistang Pilipino na nakaisip gamitin ang paglilitrato bilang isang kasangkapang pansining".[1]
Pagkatapos ng Digmaang Kastila-Amerikano, ipinasa ang pamamahala ng Pilipinas sa Estados Unidos. Ipinagpatuloy ng mga Amerikano ang pagkuha ng mga litrato ng Pilipinas, na isinagawa ng mga sundalo at ng mga Thomasite (o Tomasito). Isa sa mga Tomasitong ito si Philinda Rand, na kumuha ng mga litrato ng Pilipinas noong mga unang panahon ng ika-20 dantaon. Bilang guro ng wikang Ingles sa Pilipinas, kumuha si Rand ng mga litratong naglalarawan ng mga gawi sa buhay ng mga Pilipino sa Silay at Lingayen, ang mga pook kung saan siya nanirahan. Kabilang sa mga kinuha niyang litrato ang mga tao, mag-aaral, misyonero, gusali, hayop, at tanawin mula 1901 hanggang 1907.[2]