Mie goreng

Mie goreng
Mie goreng sa isang restoran sa Jakarta
Ibang tawagBakmi goreng, Mi goreng
UriPansit
KursoPangunahing pagkain
LugarIndonesya[1]
Rehiyon o bansaBuong bansa
Ihain nangMainit
Pangunahing SangkapPinritong pansit na may manok, karne o hipon

Ang mie goreng (Indones: mi goreng; "pinritong pansit"[2]), kilala rin bilang bakmi goreng,[3] ay isang piniritong pansit mula sa Indonesya. Sinasangkapan ito ng manipis at dilaw na pansit na pinrito sa mantika kasabay ng bawang, sibuyas o lasuna, pritong hipon, manok, baka, o hiniwang bakso (bola-bola), sili, petsay, repolyo, kamatis, itlog, at iba pang gulay. Laganap sa Indonesya, ibinebenta ito ng mga nagtitinda ng pagkain mula sa mga warung sa kalye hanggang sa mga mamahaling restoran.

Paggigisa ng mi goreng Jawa sa wok

Sa Indonesya, kung saan isa sa mga pinakalaganap na pagkaing simple ang mi goreng, inuugnay ang pinagmulan ng pagkain sa lutuing Tsinong Indones.[1] Halata ang impluwensiyang Tsino sa pagkaing Indones tulad ng bakmi, mi ayam, pangsit, bakso, lumpia, kwetiau goreng, at mi goreng.[4] Hinango ang putahe mula sa Tsinong chow mein at pinaniniwalaang ipinakilala ng mga imigranteng Tsino sa Indonesya. Kahit naimpluwensiyahan ito ng lutuing Tsino, Indones na Indones ang lasa nitong pagkain at naging bahagi na ng lutuing Indones,[5] sa, bilang halimbawa, paglalagay ng kecap manis na nagpapaamis nang kaunti,[6] isang budbod ng pinritong lasuna, at maanghang na sambal. Iniiwasan ang baboy at ang mantika nito at sa halip isinasahog ang hipon, manok, o baka para sa karamihan na Muslim.

Ayon sa tradisyon, ang mi goreng ay gawa sa bakmi (dilaw na pansit de-trigo) na ginisa kasabay ng hiniwang lasuna, sibuyas, at bawang, toyo, itlog, gulay, manok, karne, o pagkaing-dagat. Subalit maaaring sangkapin ng mga ibang bersiyon ang pinatuyong pansit agaran sa halip ng sariwang bakmi. Isang karaniwang gawain sa Indonesya ang paglalagay ng panimpla ng agarang pansit, pati mga itlog at gulay. Sa awtentikong mi goreng, sariwang sangkap at espesya ang ginagamit; ngunit maaaring gamitin ang pang-agarang masang sili sa bote kung magiging praktikal.[7]

Kadalasan, ang resipi nito na hindi pabagu-bago ay nagiging basehan para sa mga ibang putahe. Halimbawa, nabubuo ang bihun goreng kung pinalitan ang bakmi ng bihun (bihon) habang sa kwetiau goreng, kwetiau ang ginagamit na pansit.

Mga baryasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Mi goreng Aceh

Sa Indonesya, karaniwang ipinapangalan ang mga baryante ng mi goreng sa mga sahog nito, habang ipinapangalan ang iba sa pinagmulang rehiyon.

  • Mi goreng ayam o ang karaniwang mi goreng na nagsasangkap ng manok, at karaniwang sinasahugan ng lasuna, bawang, sibuyas, kecap manis, itlog, at gulay
  • Mi goreng ayam penyet na isang uri na pinapatungan ng ayam penyet, winasak na pritong manok na may sambal
  • Mi goreng sapi na kahawig ng tradisyonal na mie goreng, ngunit nagsasangkap naman ng baka
  • Mi goreng kambing na nagsasangkap ng kambing o tupa
  • Mi goreng kerang, isang espesyalidad ng Batam na nagsasangkap ng litob[8]
  • Mi goreng udang na nagsasangkap ng hipon
  • Mi goreng seafood na nagsasangkap ng mga iba't ibang pagkaing-dagat tulad ng isda, pusit, at hipon
  • Mi goreng Aceh isang baryante ng mi goreng mula sa lalawigan ng Aceh na nagsasangkap ng mas makapal na pansit na malaispageti sa isang maanghang at malakari na sarsa.[9]
  • Mi goreng Jawa mula sa Gitnang Java na nagsasangkap ng kecap manis, itlog, manok, at gulay. Kadalasan itong ibinebenta kasama ng mi rebus (lit. "pinakuluang pansit") o mi Jawa sa mga restoran, warung, o ng mga naglalako[10]
  • Mi goreng tek-tek na tumutukoy sa mi goreng na ibinebenta ng mga naglalako na nagkakalantog ng wok na may tunog na "tek tek" upang ipahayag ang kanilang mga paninda. Karaniwan ito sa Jakarta at ilang malalaking lungsod sa Java, kung saan karaniwang ibinebenta ito ng mga naglalako kasama ng nasi goreng (sinangag) at mi rebus mula sa kanilang mga kariton.
  • Mi goreng dhog-dhog na kilala rin bilang Mi goreng Surabaya mula sa lungsod ng Surabaya. Tumutukoy ang pangalan sa naglalako na nagbebenta ng mi goreng Surabaya na gumagamit ng malaking de-kahoy na slit drum upang ianunsiyo ang kanyang presensiya sa kapitbahayan na nagtutunog ng "dhog-dhog".[11]
Agarang bersiyon ng mie goreng
  • Indomie Mi goreng, ang agarang bersiyon ng mi goreng, sikat ang Indomie Mi goreng sa Indonesya at iba pang bansa, tulad ng Olanda, Niherya, Australya, Nuweba Selandiya, Estados Unidos, at iilang bansa sa Gitnang Silangan.[12] Inimbento ang Indoemie mie goreng ni Nunuk Nuraini.[13] Subalit hindi goreng (gisado) itong agarang bersiyon, ngunit pinapakuluan at tinitimplahan matapos alisin ang tubig na pampakulo. Gayunpaman, sinisikap nitong maihawig ang tunay na mi goreng sa pagdagdag ng kecap manis at malutong na pritong lasuna. Karaniwan itong maihahanap sa mga warung na nagbebenta ng mga agarang pansit, inihaw na sanwits, at maiinit na inumin sa mga urbanong lugar sa Indonesya.

May hilig ang mga Indones na tawagin ang mga kahawig na dayuhang pagkain bilang mi goreng, halimbawa sa Indonesya, kadalasang mi goreng Cina ang tawag sa chow mein at mi goreng Jepang ang tawag sa yakisoba.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 Forshee, Jill (2006). Culture and Customs of Indonesia [Kultura at Mga Kaugalian ng Indonesya] (sa wikang Ingles). Greenwood Publishing Group. ISBN 978-0-313-33339-2.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Guerin, Bill (23 Disyembre 2003). "World's top noodle maker loses its bite" (sa wikang Ingles). Asia Times Online. Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Pebrero 2004. Nakuha noong 22 Agosto 2007.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: unfit URL (link)
  3. Sara Schonhardt (25 Pebrero 2016). "40 Indonesian foods we can't live without". CNN (sa wikang Ingles).{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Heinz Von Holzen (2014). A New Approach to Indonesian Cooking [Isang Bagong Paraan sa Lutong Indones] (sa wikang Ingles). Marshall Cavendish International Asia Pte Ltd. p. 15. ISBN 9789814634953.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "Indonesian Food: 50 of the Best Dishes You Should Eat". Migrationology (sa wikang Ingles). 2016-05-22. Nakuha noong 2020-02-16.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Janelle Bloom (Agosto 2001). "Mie goreng". Taste.com.au Australian Good Taste.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. "Indonesian Fried Noodles (Mie Goreng)" [Pritong Pansit ng Indonesya (Mie Goreng)]. Rasa Malaysia (sa wikang Ingles). 9 Agosto 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. "8 Rumah Makan Mie Goreng Kerang Favorit di Batam". menukuliner.net (sa wikang Indones). Nakuha noong 25 Abril 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. "Mie Aceh Recipe" [Resipi ng Mie Aceh]. Indonesian Recipes (sa wikang Ingles).
  10. "Mie Goreng Jawa". Tasty Indonesian Food.
  11. Rinny Ermiyanti Yasin (1 Pebrero 2012). "Diferensiasi: Antara Tek-tek dengan Dhog-dhog" (sa wikang Indones). Kompasiana. Inarkibo mula sa orihinal noong 11 Hulyo 2012. Nakuha noong 3 Hunyo 2012.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. "Indomie Goreng". Indomie (sa wikang Indones). Inarkibo mula sa orihinal noong 2017-04-29. Nakuha noong 2017-03-24.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. "Indomie: Creator of cult favourite 'mi goreng' instant noodle dies" [Indomie: Namatay ang naglikha ng cult favorite na 'mi goreng' na agarang pansit] (sa wikang Ingles). BBC News. Enero 29, 2021. Nakuha noong Hunyo 2, 2024.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)