Si Nathaniel Hartono (Nathaniel Xiang), higit na kilala bilang Nathan Hartono ay isang mang-aawit at aktor mula sa Singgapur. Nag-debut si Hartono bilang mang-aawit matapos manalo sa Teenage Icon noong 2005 at naglabas ng kaniyang debut album na LET ME SING! Life, Love and All That Jazz noong 2006.[1] Nakipag-sapalaran din si Hartono sa pag-arte at itinampok sa kaniyang kauna-unahang seryeng pantelebisyong Halfworlds noong 2015.[2] Siya rin ang first runner-up sa unang season ng Sing! China.
Ipinanganak si Hartono sa Singgapur sa mga Tsinong Indones na magulang. Mayroon siyang nakatatandang kuya na si Norman Hartono, at nakakabatang kapatid na babae na si Nydia Hartono. Ang kaniyang ama, si Thomas Hartono, ay isang nangangasiwang direktor sa PT Anandini Vimala, habang ang kaniyang ina, si Jocelyn Tjioe, ang senyoryang pangalawang pangulo ng Tung Lok group na naka-base sa Singgapur, na itinatag ng kaniyang lolo.[3]
Matapos manalo ni Hartono noong 2005 sa Teenage Icon, nag-debut siyang mang-aawit at inilabas niya ang kaniyang unang album na LET ME SING! Life, Love and All That Jazz noong 2006 na binubuo ng 11 awitin. Itinampok ang album niyang iyon bilang numero uno sa Jazz Chart ng HMV sa loob ng dalawang linggo pagkatapos ng pagkakalabas niyon.[5]
Noong 2007, nagtanghal si Hartono sa Mosaic Music Festival[8] at inilabas ang kaniyang ikalawang album na Feeling Good with Nathan Hartono na isinaplaka sa mismong sandaling iyon sa kaniyang mga sold-out na palabas noong Hunyo ng parehong taon sa Esplanade. Mayroong 12 awitin ang album na iyon, na kasama sa karamihan sa mga awit na itinanghal ni Hartono, kabilang ang "Raindrops Keep Fallin' on My Head", "Everybody's Changing", "Moody's Mood for Love", at "Seven Nation Army" sa kaniyang mga konsyerto.[9]