Sa Bibliya, ang pang-aalipin ay pinapayagan sa Lumang Tipan (Exodus 21:1-11, Exodo 21:20-21, Deuteronomiya 21:10-14, Exodo 21:1-7, Leviticos 25:44-47) gayundin sa Bagong Tipan (Efeso 6:5, I Timoteo 6:1). Ang mga talatang ito at kawalan ng kondemnasyon sa Bibliya ang kalaunang ginamit ng mga tagapagtaguyod ng pang-aaalipin sa Estados Unidos upang ipagtanggol ang pang-aalipin sa bansang ito.[1][2]
Ayon sa Levitico 25:44-47, ang mga Israelita ay pinapayagan na bumili ng alipin na dayuhan. Ang mga anak ng biniling alipin ay maaari ring bilin at gawing alipin. Ang mga ito ay maaaring ipamigay ng bumili sa mga anak nito at gawing alipin. Ayon sa Exodo 21:1-6, ang isang biniling lalakeng aliping Israelita ay pinapayagang lumaya pagkatapos ng anim na taong pagsisilbi sa may-ari nito. Kung ang lalakeng aliping ito ay binigyan ng asawa ng may-ari, ang asawa at mga naging anak nito ay mananatiling pag-aari ng may-ari kahit lumaya na ang lalakeng alipin. Kung ang lalakeng alipin ay ayaw nang umalis dahil mahal nito ang asawa at mga anak at ang amo, ito at ang pamilya nito ay habang buhay na magiging alipin. Ayon naman sa Exodo 21:7, ang babaeng ipinagbili ng ama nito bilang alipin ay hindi maaaring palayain tulad ng isang aliping lalake. Ayon sa Deuteronomiyo 21:10-14, ang isang nabihag na babae na kaaway ng mga Israelita sa digmaan ay maaaring pakasalan at sipingan kung ito ay magugustuhan. Kung ayaw na ng lalaki sa babaeng bihag, ito ay pinapayagang lumaya. Ayon sa Exodos 21:26-27, ang mga alipin naman na nabulag o nabungi ng amo nito ay palalayain bilang kabayaran sa pinsalang natamo sa amo nito. Ayon sa Exodo 21:20-21, kung ang isang aliping babae o lalake ay sinaktan ng amo at ito ay namatay, parurusahan ang amo. Ngunit kung ang alipin ay nabuhay ng isa o dalawang araw, ang amo ay hindi parurusahan dahil ari-arian nito ang alipin.