Clockwise from the top: Pitsi-pitsi with latik and cheese, Pitsi-pitsi with coconut, Pitsi-pitsi with cheese | |
Ibang tawag | Pichi-pichi |
---|---|
Uri | Kakaning balinghoy |
Kurso | Panghimagas |
Lugar | Pilipinas |
Rehiyon o bansa | Quezon |
Ihain nang | Temperatura ng silid |
Pangunahing Sangkap | Gata ng niyog, balinghoy, lihiya, asukal |
Baryasyon | Nilagyan ng keso at/o latik, iginulong sa gadgad na niyog |
|
Ang pitsi-pitsi, na binabaybay din na pichi-pichi, ay isang uri ng panghimagas sa lutuing Pilipino na gawa sa mga bola ng pinasingawang harina ng kamoteng-kahoy o ginadgad na kamoteng kahoy na hinaluan ng asukal, sabaw ng buko, pampalasa/pampakulay at lihiya o baking powder. Karaniwan din itong pinalalasahan ng dahon ng pandan. Iginugulong ito sa bagong gadgad na niyog, keso, o latik (coconut caramel) bago ihain.[1][2][3]
Sinasabing nagmula sa lalawigan ng Quezon ang tradisyunal na kakanin na ito na kilala sa mga pista ng pag-aani kagaya ng Pista ng Pahiyas, kung saan maraming tao ang gumagawa ng mga panghimagas ng puto o kakanin at nagtitinda sa mga namamasyal sa mga pyesta.[4][5][6] Bukod sa pagiging lokal na terminong tumutukoy sa maligat at malagulaman na kakaning balinghoy, ang pitsi-pitsi sa salitang Tagalog ay metaporikal ding tumutukoy sa "mga bagay na munti o munti ang halaga."[7] Minumungkahi din na hinalaw ang pangalan ng kakanin sa Araucanian na pichi na ibig sabihin ay “maliit”, na ginamit ng Spanish Americans noong ika-19 na siglo.[8]
Bagama't ang pitsi-pitsi at palitaw ay magkahawig at parehong iginulong sa kinayod na niyog, magkaiba ang mga pangunahing sangkap nito. Ang pitsi-pitsi ay gumagamit ng balinghoy bilang base nito, samantalang ang palitaw ay gumagamit ng galapong at binubudburan ng buto ng linga at asukal, na wala sa pichi-pichi. Ang katulad na kakanin sa pitsi-pitsi ay ang putli mandi ng mga Tausug at Yakan. Katulad ang paghahanda nito, pinagkaiba lamang ay mayroon itong palaman ng mga pinatamis na kayod ng niyog (hinti).[9] Ito ay katulad din ng palitaw, kaibhan ng palitaw ay ginawang manipis na patag na kakanin at ginawa gamit ang malagkit na harina.
Ang kamoteng kahoy ay unang binalatan, ginadgad, at hinugasan. Ang gadgad na kamoteng kahoy ay hinaluan ng tubig, asukal, at lihiya at pagkatapos ay inilipat ang timpla sa mga kawali o hulmahan na pagkatapos ay ilagay sa pasingawan hanggang sa maluto at lumambot ang timpla. Ang nilutong pitsi-pitsi ay maaaring igulong sa bagong kayod na niyog o lagyan ng gadgad na keso at latik. Ang ilang mga manininda ay nagdaragdag ng pangkulay ng pagkain sa timpla bago pasingawan.