14°35′53.49″N 120°59′0.93″E / 14.5981917°N 120.9835917°E
Ang Plaza Miranda ay isang plasa o liwasang pinapaligiran ng Bulebar Quezon, Kalye R. Hidalgo at Kalye Evangelista sa Quiapo, Maynila. Ito ang plasang humaharap sa Basilika Menor ng Itim na Nazareno (Simbahan ng Quiapo), isa sa mga pangunahing simbahan ng Lungsod ng Maynila, at kinikilala ito bilang sentro (o poblasyon) ng buong Quiapo. Ipinangalan ito kay José Sandino y Miranda, na naglingkod bilang Kalihim ng Kabang-Yaman ng Pilipinas mula 1833 hanggang 1854,[1] at inagurahan ito sa kasalukuyan nitong anyo noong taning ni dating Alkalde Arsenio Lacson noong 1961.[2]
Kilala bilang sentro ng diskursong pampolitika sa Pilipinas bago ang imposisyon ng batas militar noong 1972, dito naganap ang pagbobomba sa Plaza Miranda noong 1970 sa isang miting de abanse ng Partido Liberal, kung saan siyam na katao ang namatay. Isinailalim sa pagpapaganda naman ang plasa noong 2000, na nagkahalaga ng ₱49 milyon, kung saan itinayo ang isang monumento para sa mga biktima ng pagbobomba at iba pang mga elementong arkitektural. Kasalukuyang umiiral ang Plaza Miranda bilang isang liwasan ng kalayaan (freedom park), kung saan maaaring magtanghal ang mga tao ng mga kilos-protesta nang hindi kailangang humingi ng pahintulot mula sa pamahalaang panlungsod, at dahil libu-libong katao ang tumatawid dito araw-araw, kinikilala rin ito bilang Times Square ng Maynila.
Kahit kung hinaharap nito ang Simbahan ng Quiapo, kilala rin ang Plaza Miranda bilang isang sentro para sa panghuhula at paghahanap ng swerte, lalo na sa pagbibili ng mga anting-anting at iba pang mga magkahawig na bagay.[3] Ayon sa mga manghuhula sa paligid ng Plaza Miranda, nagmumula raw ang kanilang kakayahang manghula ng kapalaran sa kanilang debosyon sa Itim na Nazareno, kahit kung ang gawain mismo ng panghuhula ay hindi sinasang-ayunan ng Simbahang Katoliko.[4]