Simbang Gabi

Simbang Gabi
Simbang Gabi sa Simbahan ng Las Piñas
Ibang tawagMisa-de-Aguinaldo
Misa-de-galyo (para sa huling Misa ng Simbang Gabi)
Ipinagdiriwang ngMga Pilipinong Katoliko
Liturhikal na kulayPuti
UriPagsisimba ng siyam na kasunod na araw
KahalagahanKapaskuhan
Nagsisimula
  • Disyembre 16
  • Disyembre 15 (antisipado)
Nagtatapos
  • Disyembre 24
  • Disyembre 23 (antisipado)
Unang beses1669
Kaugnay saMisa-de-galyo
Notsebuwena
Pasko

Ang Simbang Gabi ay isang kinaugaliang pagdaraos ng Santa Misa sa Pilipinas tuwing panahon ng Kapaskuhan. Tinatawag din itong Misa-de-galyo (mula sa Kastilang Misa de Gallo, o "misa ng tandang", sapagkat sa pagtilaok ng lalaking manok, magsisibangon na ang mga mag-anak para makinig ng misa sa pinakamalapit na simbahang pamparokya[1]), Misa Aginaldo (mula sa Kastilang Misa de Aguinaldo, o "misa ng mga handog, alay o regalo"), Misa-de-notse, o Misa-de-noche (o "misa ng/sa gabi").[2] Isa itong misang idinaraos bawat madaling araw sa loob ng siyam na araw bago sumapit ang araw ng Pasko.[2] Nagsisimula ang pagmimisa tuwing ika-16 ng Disyembre hanggang ika-24 ng Disyembre, na kadalasang sinasagawa sa mga Romano Katolikong simbahan[1] sa Pilipinas tuwing ikaapat hanggang ikalima ng umaga. Ang misa sa madaling araw na ito isa sa pinakamatagal na at pinakabantog na tradisyong Pilipino.[3] Nagsisilbi rin ang misa bilang isang nobena para sa Birheng Maria.[1][3] Bukod dito, nagsisilbi ring pagkakataon ang pagnonobena upang idalangin ang mga kahilingang nakatuon kay Hesukristo, kaugnay ng paniniwalang matutupad ang hinihingi kapag nakumpleto ang siyam na misa sa madaling-araw.[4] Sa ibang pagkakataon, isinasagawa ring kasama ng Simbang Gabi ang panuluyan, partikular na sa pinakahuling misa, ang tunay na Misa Aginaldo[1] o Misa-de-galyo.[1][3]

Buhat sa Mehiko

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nagsimula ang kaugaliang ito noong panahong ng kolonyalismong Kastila. Inumpisahan ito sa Mehiko noong 1587, nang payagan ng Santo Papa ang paring Mehikanong si Diego de Soria[1], isang prayle mula sa kumbento ng San Agustin Acolman, na magdaos ng mga misa sa labas ng simbahan upang mapaunlakan ang malaking bilang ng mga mamamayang ibig makinig ng misang panggabi.[1] Kung sa loob nagmimisa ang pari, hinahayaang bukas ang mga pinto ng simbahan para sa mga hindi na makapasok sa puno ng gusali.[1] Noong unang panahon, naging hudyat na pantawag na pangmisa ang pagpapatunog ng mga batingaw o kampana ng simbahan.[3] Nagsisimula ang pagkalembang ng mga batingaw tuwing ikatatlo ng madaling araw.[4] Sa ibang pook, mayroon namang mga bandang lumilibot sa buong bayan na tumutugtog ng mga tugtuging pamasko. Mayroon ding mga paring kumakatok sa mga pintuan ng bahay para gisingin ang mga taumbayan para hikayating makilahok sa misang pangmadaling-araw. Kabilang dito ang mga magbubukid at mga mangingisda, nagsisipakinig sa Mabuting Balita bago maging abala sa kanilang mga pang-araw-araw na mga tungkulin, at para na rin makalikom ng biyaya at mabuting ani.[3]

Simula sa Pilipinas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa Pilipinas, nagumpisa ang tradisyon noong 1669, nang magsagawa ang mga pari ng mga pangmadaling araw na misa para sa mga magsasakang nais dumalo ng misa tuwing pasko ngunit hindi maaaring maiwan ang sakahan.[1] Idinaos ito tuwing Adbiyento bilang paghahanda sa pagdating ng araw ng pagsisilang kay Hesus.[1] Kadalasan itong isinasagawa tuwing hatinggabi, kaya't binansagang itong Simbang gabi ng mga Pilipino. Hanggang ngayon, Ang mga Pilipino ay gumigising tuwing madaling araw para dumalo sa misa upang ipakita ang kanilang malalim na pananampalataya sa Diyos, bilang paghahanda sa araw ng Pasko, ang araw ng kapanganakan ni Kristo.[3] Mahigit sa anim na raang taon na itong isinasagawa sa Pilipinas.[1]

Ilan sa mga nakasanayan ng mga Pilipino na may kaugnayan sa Simbang Gabi ang pagtitinda ng mga nakaugaliang pagkain, tulad ng puto bungbong (kulay ube na gawa sa malagkit, nilalagyan ng niyog at ng asukal na pula), bibingka (tinatawag ding putong bibingka), suman sa pasko, suman sa ibos, pandesal, at mga inuming salabat, tsokolate, tsaa, at kape[4], na itinitinda sa tapat ng simbahan para sa mga dumalo ng misa.[1][3] Sa kalsada, matutunghayan ang pagsasabit ng mga makukulay na mga ilaw at mga parol sa mga dungawan, sa mga pintuan, sa mga sanga ng puno, at sa mga kanto ng mga daanan.[1] Pinatutugtog din ang mga musikang pamasko. Sa kabahayan ng mga pamilya, nagkakaroon ng pagsasalong Noche Buena (binabaybay din ayon sa Kastilang Noche Buena o "mabuting gabi") - partikular na sa huling araw ng pagnonobena, kung saan may handang ring bibingka, puto bungbong, inuming salabat o tsokolate, keso de bola (o bolang keso).[1][3]

Sa kasalukuyan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa ngayon, idinaraos sa mga lalawigan at kalunsuran ng Pilipinas ang Simbang Gabi. Ipinagdiriwang din ito ng mga Romano Katolikong Pilipinong naninirahan sa ibang mga bansa. Kaugnay ng patuloy na pagsasakatuparan ng kaugaliang ito, bukod sa pagpapalamuti ng mga makukulay na ilaw at mga parol sa loob at labas ng simbahan, inilalantad din ang Belen na nagpapakitang nasa isang sabsaban ang batang Hesus na kasama sina Santa Maria at San Jose na napapaligiran ng mga pastol at mga hayop ng sakahan, at ng tatlong haring mago may dalang mga regalo. Matutunghayan din sa Belen ang tala ng Betlehem na gumabay sa tatlong hari para marating ang kinaroroonan ng Banal na Mag-anak. Inilalagay ang Belen bilang pagpapahayag ng paghahanda para sa pagsapit ng araw ng pagsilang ni Kristo.[4] Sa mga siyudad, mayroon ding nagsasagawa ng mga misa tuwing ikawalo hanggang ikasiyam ng gabi, sa halip na sa madaling araw, upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan ng pamayanang may iba't ibang oras ng trabaho.[4] Ito ay may layuning ipagkaisa ang mga tao at upang mapalapit ang mga tao sa Diyos at sa kanyang kapwa. Dahil dito, naaapektuhan ang pamumuhay at pag-uugali ng mga Pilipino sapagkat itinuturing nila itong pagpapasalamat sa mga natanggap na mga biyaya. Kung kaya ay gumagawa ng maliit na sakripisyo ang mga tao na gumising ng madaling araw upang makumpleto ang pagsamba at upang pagbigyan ang kanilang mga hiling.

  1. 1.00 1.01 1.02 1.03 1.04 1.05 1.06 1.07 1.08 1.09 1.10 1.11 1.12 1.13 Simbang Gabi, Mass at Dawn, Mass of the Gifts Naka-arkibo 2008-10-25 sa Wayback Machine., SimbanggabiNYC.com
  2. 2.0 2.1 English, Leo James (1977). "Simbang gabi". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 3.6 3.7 Simbang Gabi/Mass at Dawn Naka-arkibo 2010-04-11 sa Wayback Machine., RCam.org
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 Del Rosario M.M. Filipino Christmas Tradition - Simbang Gabi 85, Hubpages.com

Kawing panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]