Ang Tianwen-2, na dating tinawag na ZhengHe, ay ang binabalak na proyektong pangkalawakan ng Tsina kung saan tatangkaing kumuha ng ilang piraso ng isang asteroyd at gagalugarin din ang isang buntala.
Sa taong 2025 balak ilunsad ang Tianwen-2[1]. Gagamit ito ng enerhiyang solar-dagitab bilang pampagalaw sa paglalakbay nito patungo sa asteroid na 469219 Kamoʻoalewa at ang buntalang 311P/PANSTARRS[2]. Tatagpuin ng sasakyang pangkalawakan na ito ang Kamo'oalewa at magsasagawa ng mga obserbasyon habang umiikot dito bago ito lalapag sa ibabaw ng nasabing asteroid upang mangolekta ng 100 g (3.5 onsa) ng lupa[3]. Isang munting tagapag-inog at maliit na tagalapag ang ipapadala rin upang magsagawa ng pagmamasid kaugnay ng pagkuha ng muwestra sa asteroyd at gagamit din ng pampasabog upang malantad ang mga bolatayl na maaaring nakakubli sa ilalim at nang matayag ng mga instrumento nito[4].
Matapos nito, maglalakbay pabalik sa daigdig ang Tianwen-2 upang ihulog ang kapsulang naglalaman ng lupang kinuha nito at sasailalim sa isang maniobra na magtutulak dito patungo sa planetang Marte, na siya namang maghahagis ng sasakyang ito patungo sa buntalang 311P/PANSTARRS[5]. Magsasagawa ng remote sensing at pagsusukat sa buntalang ito sa loob ng di bababa sa isang taon[6].
Ang naunang pangalan ng misyon na ito ay halaw mula sa pangalan ni Zheng He, isang manlalakbay ng dinastiyang Ming noong ika-15 dantaon.
Noong 2018, nagpanukala ng mga misyong pangkalawakan ang mga mananaliksik ng Akademya ng Agham ng Tsina (AAT) [7] kung saan kasama sa mga tinukoy ay ang isang misyong kaugnay sa pagsisiyasat ng isang asteroyd na balak ilunsad sa pagitan ng mga taong 2022 hanggang 2024.[8][9] Pagsapit ng tagsibol ng taong 2019, nagsimulang mangalap ng mga mungkahing instrumentong maaaring maisakay ng Tianwen-2 mula sa iba pang panig ng daigdig ang Pambansang Tanggapang Pangkalawakan ng Tsina (PTPT) matapos nitong mabuo ang banghay ng isasagawang misyon.[10][11][12]
Ilalakip sa Tianwen-2 ang ilang iba't ibang uri ng instrumento, kasama na ang mga kamerang de-kulay, multispektral, at may malawak/makitid na salikop; isang espektrometrong susukat sa tumatagas na init mula sa asteroyd at buntala; isang tagalitratong espektrometrong tututop ng habang-alon ng ilaw na nakikita ng mata hanggang sa habang-alon na malapit sa infared; isang espektrometrong susukat sa mga tumbasan ng mga dagipik; isang tagasukat ng lakas ng magnetismo; at isang tagasuri ng alikabok at mga butil na mayroon o walang kargang dagitab.[13][14]