Tsokolate (inumin)

Tsokolate
Bansang pinagmulanPilipinas
KasangkapanTsokolate, gatas o tubig, asukal
Mga baryantebatirol

Ang tsokolate (Tagalog: [tʃoko'late]), ay isang makapal at mainit na inumin na katutubo sa Pilipinas. Gawa ito mula sa tabliya o tablea, mga tableta ng purong butil ng kakaw na giniling at binusa, na pinatunaw sa tubig at gatas. Tulad ng sa mga bersiyong Espanyol at Mehikano ng tsokolateng mainit, kaugalian nang ihanda ito sa isang tsokolatera at mabilis na hinahalo sa isang kahoy na baton na tinatawag na molinilyo (tinatawag ding batidor o batirol), na nagpapabula sa inumin. Karaniwang pinapatamis ang tsokolate ng kaunting maskabado, at may kakaibang gaspang.[1][2]

Karaniwang iniinom ang tsokolate sa almusal, at sinasabayan ng mga tradisyonal na kakanin o pandesal at iba pang uri ng mga pasteleryang Pilipino. Sikat din ito tuwing kapaskuhan sa Pilipinas, lalo na sa mga bata.[2][3]

Kilala ang tsokolate sa mga katawagang suklati sa Kapampangan; sikulate sa Maguindanao; at sikwate or sikuwate sa mga wikang Bisaya. Hango ang lahat sa Kastilang chocolate, ultimately from Nahuatl na xocolātl.[1]

Mga bolang tabliya, tsamporado at tsokolate

Ang tabliya (binabaybay ring tableya o tablea, mula sa Kastilang tablilla, "tableta") ay maliit na tableta, karaniwang gawang-bahay, na gawa sa purong butil ng kakaw. Nabubuo ang tabliya sa pagtutuyo ng butil ng hinog na kakaw ng dalawa o tatlong araw. Binabalatan at isinasangag ang pinatuyo na butil. Ginigiling ang mga ito hanggang sa maging malapot na likor de-kakaw na hinuhulma sa pamilyar na disko o bola at pinapatuyo.[4][5][6]

Maliban sa tsokolate, ginagamit ang tabliya sa samu't saring baryante ng mga tradisyonal na panghimagas sa Pilipinas, lalo na sa tsamporado, isang niluwagang bigas na pinatamis ng tsokolate.[4][7]

Mga hakbang at kagamitan sa paghahanda ng tsokolate sa Museo ng Baryo Tsino sa Binondo

Kinaugaliang inihahanda ang tabliya sa pagpapakulo ng tubig at gatas sa isang espesyal na pitsel na may mataas na leeg na kilala bilang tsokolatera (o tsokolatehan, sikulatihan, sikwatehan, atbp.). Hinahango ito kapag nagsimulang bumula, at hinuhulog ang ilang disko ng tabliya sa likido. Dinaragdagan din ito ng maskabado at karagdagang gatas o krema, kung ninanais. Pagkatapos, ipinapasok sa pitsel ang isang espesyal na pamalis-kahoy na tinatawag na batirol (tinatawag ding batidor o molinilyo) at pinapaikot ito nang mabilis sa pagkaskas ng palad hanggang sa maging mabula ang likido. Pagkatapos, ibinubuhos ito sa mga indibidwal na tasa.[8][9][10]

Kabilang sa mga modernong paraan ng paghanda ng tsokolate ang paggamit ng palis, blender, o pampabula ng gatas upang kamtin ang naaayon na pagkamabula. Maaari rin itong dagdagan ng mga ibang sahog kagaya ng kanela, baynilya, pinipig, o kahit rum o tekila. Subalit pinagkukunutan ng noo ang paggamit ng komersiyal na pulbos de-kakaw, dahil hindi pareho ang nagreresultang tekstura o lasa.[3][8][10][2]

Kahalagahang kultural

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kadalasang iniinom ang tsokolate tuwing almusal o meryenda, at ipinapares sa kakanin o tinapay. Kabilang sa mga karaniwang ipinapares sa tsokolate ang pandesal, puto maya, puto bumbong, churros, ensaymada, bunwelos (o kaskaron), suman, kesong puti, at bibingka. Sikat din ito tuwing Kapaskuhan sa Pilipinas, lalo na sa mga bata.[2]

Sa nobelang Noli Me Tangere (1887) ni José Rizal, ang pambansang bayani ng Pilipinas, pinaghihinalaan si Padre Salvi ng kanyang karibal, ang alperes ng Guwardiya Sibil, na maghain ng malapot na tsokolate (espeso) sa mga importanteng bisita at malabnaw na tsokolate (aguado) sa mga bisita na itinuring niyang di-importante. Ayon sa alperes, palihim na sumesenyas si Salvi sa kanyang utusan kung ano ang ihahanda sa pagwiwika ng "tsokolate, eh?" o "tsokolate, ah?" - "eh" at "ah", na talagang daglat para sa espeso at aguado. Sinabi ng narador na hindi siya sigurado kung paninira lang ito dahil naikwento na ito tungkol sa mga maraming pari, o maaaring isang kaugalian ng Ordeng Franciscano. Kasunod ni Rizal, nagamit ang mga terminong "Tsokolate Eh" at "Tsokolate Ah" ng ilang mga establisyimento.[11]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 Polistico, Edgie (2017). Philippine Food, Cooking, & Dining Dictionary [Diksiyonaryo ng Pilipinong Pagkain, Pagluluto, & Kainan] (sa wikang Ingles). Anvil Publishing, Incorporated. ISBN 9786214200870.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 Cabrera, Maryanne (Enero 27, 2018). "sokolate (Filipino Hot Chocolate)". The Little Epicurean (sa wikang Ingles). Nakuha noong Disyembre 13, 2018.
  3. 3.0 3.1 "Tsokolate". Kawaling Pinoy (sa wikang Ingles). Disyembre 8, 2014. Nakuha noong Disyembre 13, 2018.
  4. 4.0 4.1 "Home-based business idea: How to make 'tablea'" [Ideyang pangnegosyong bahay: Paano gumawa ng 'tabliya']. Entrepreneur Philippines (sa wikang Ingles). Disyembre 12, 2014. Inarkibo mula sa orihinal noong Disyembre 14, 2018. Nakuha noong Disyembre 13, 2018.
  5. Sarmiento, Prime (Oktubre 14, 2017). "Filipinos' love of chocolates helps to revive cacao industry" [Pagmamahal ng mga Pilipino sa tsokolate, nakakatulong upang muling buhayin ang industriya ng kakaw]. Nikkei Asian Review (sa wikang Ingles). Nakuha noong Disyembre 13, 2018.
  6. Perez, Ace June Rell S. (Oktubre 4, 2015). "Redefining the taste of tablea" [Pagpapanibago sa lasa ng tabliya]. SunStar Philippines (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Disyembre 14, 2018. Nakuha noong Disyembre 13, 2018.
  7. "Tablea Tsokolate or Cacao Chocolate" [Tsokolateng Tabliya o Tsokolateng Kakaw]. Batangas-Philippines.com (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 23, 2020. Nakuha noong Disyembre 13, 2018.
  8. 8.0 8.1 Juan, Pacita; Ramos, Josephine; Francisco, Maria Regina (2017). Cacao: Bean to Bar [Kakaw: Butil Pa-bareta] (sa wikang Ingles). Anvil Publishing, Incorporated. ISBN 9789712729157.[patay na link]
  9. "Batidor, Batirol, Molinillo, Chocolatera, atbp". Market Manila (sa wikang Ingles). Agosto 18, 2007. Nakuha noong Disyembre 13, 2018.
  10. 10.0 10.1 Garcia, Bianca (Enero 4, 2012). "How to Make Tsokolate (Filipino Hot Chocolate)… and a Giveaway!" [Paano Gumawa ng Tsokolate (Pilipinong Hot Chocolate)… at Isang Bigayan!]. Confessions of a Chocoholic (sa wikang Ingles). Nakuha noong Disyembre 13, 2018.
  11. Santos-Taylor, L. Marcelline (2017). "Soul Comforts: Kapeng Barako and Tsokolate". Sa Maranan, Edgar; Maranan-Goldstein, Len (mga pat.). A Taste of Home: Pinoy Expats and Food Memories [Isang Tikim ng Tahanan: Mga Pinoy Expat at Alaala sa Pagkain] (sa wikang Ingles). Anvil Publishing, Incorporated. ISBN 9789712733031.[patay na link]