Kapulungang Pambansa ng Pilipinas

Ang Kapulungang Pambansa ng Pilipinas[1] (Espanyol: Asamblea Nacional de Filipinas, Ingles: National Assembly of the Philippines) ay ang naging lehislatura ng Komonwelt ng Pilipinas mula 1935 hanggang 1941 at ng Ikalawang Republika ng Pilipinas. Ang Kapulungang Pambansa noong Komonwelt ay itinatag sa ilalim ng Konstitusyon ng 1935, na nagsilbing saligang-batas ng bansa upang maihanda ito sa napipinto nitong kasarinlan mula sa Estados Unidos. Subalit nang umabot ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Pasipiko, nagdestiyero sa Estados Unidos ang pamahalaang Komonwelt nang matanto nito na masasakop ng Hapon ang bansa. Naiwan ang mangilan-ilang kawanihan ng pamahalaan na inudyok ng mga Hapones na bumuo ng pamahalaan sa kanilang pagdating. Itinatag ng mga Hapones ang isang naturingang malayang Republika ng Pilipinas sa ilalim ng Konstitusyon ng 1943, na nagtakda ng isang Kapulungang Pambansa na magsisilbing lehislatura nito. Ang Republikang itinatag sa ilalim ng mga Hapones ay halos kinilala lamang ng mga Alyansang Axis.[2]

Bago ang 1935, ang Kapuluang Pilipinas, isang insular area ng Estados Unidos ay may dalawang-kapulungang Lehislaturang Pilipino na nagsilbing sangay tagapagbatas nito. Itinatag noong 1907 ang Lehislaturang Pilipino at rineorganisa noong 1916, bunsod ng Batas Jones, isang batas-pederal ng Estados Unidos. Itinakda sa Batas Jones ang isang Senado at isang Kapulungan ng mga Kinatawan, kung saan ang mga kagawad nito ay ihinahalal, maliban sa ilang itatalaga ng Gobernador-Heneral, na hindi nangangailangan ng kumpirmasyon. Bilang punong ehekutibo, ang Gobernador-Heneral ng teritoryo ay may kapangyarihan ding mag-veto ng anumang isabatas ng Lehislaturang Pilipino.[3] Noong 1934, nagtagumpay ang mga politikong Pilipino na maipasa ang batas para sa kasarinlang ng Pilipinas na kilala bilang Batas Tydings-McDuffie. Ginawa ito upang ihanda ang Pilipinas sa pagsasarili nito matapos ang sampung-taong paghahanda.[4] Itinadhana rin sa Batas Tydings-McDuffie ang pagbalangkas at pagpapatibay ng isang konstitusyon na kakailanganing sang-ayunan ng Pangulo ng Estados Unidos.

Sa Kumbensiyong Konstitusyonal na sumunod dito, ipinagtibay ang isang-kapulungang Kapulungang Pambansa. Ito ay matapos di-mapagkasunduan ng mga delegado sa kumbensiyong konstitusyonal kung paano bubuuin ng dalawang-kapulungang sistema na kinakatigan ng higit na nakararami. Itinakda rin nito na 120 lamang ang sukdulang maaaring maging kagawad nito na ihahalal bawat tatlong taon; gaya ng nakasaad sa Batas Jones. Ang bawat lalawigan, di-alintana ang populasyon nito ay gagawaran ng isa man lang kinatawan. Itinakda rin sa kumbensiyon ang direktang paghalal ng mga kinatawan mula sa mga lugar na di-namamayani ang mga Kristiyano, na noo'y itinatalaga ng Gobernador-Heneral.[5]

Kapulungang Pambansa ng Komonwelt

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Matapos maratipika ang Konstitusyon ng 1935, nagkaroon ng halalan noong 17 Setyembre 1935 para sa 98 kagawad ng Kapulungang Pambansa, kasabay ito ng halalan para sa panguluhan at pangalawang-panguluhan ng Komonwelt. Pinasinayaan ang Komonwelt ng Pilipinas noong 15 Nobyembre 1935 na naghudyat ng simula ng panunungkulan ng lahat ng mga halal na opisyal. Unang opisyal na nagpulong ang Kapulungang Pambansa noong Nobyembre 25, sampung araw matapos mapasinayaan ang pamahalaang Komonwelt, at dito nahalal si Gil Montilla ng Negros Occidental bilang Ispiker.[6] Di-naglaon nagbuo ito ng tatlong komisyon at 40 permanenteng komite nang pagpasyahan nito ang kanilang patakaran noong Disyembre 6.

Pagbabalangkas ng batas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nasa kamay ng asamblea ang tungkuling magpasa ng mga batas upang maihanda ang Pilipinas sa pagsasarili nito. Ngunit ang ilang batas na sumasaklaw sa ugnayang-panlabas at pananalapi ay kinakailangan pang aprubahan ng Pangulo ng Estados Unidos. Nagtalumpati si Pangulong Manuel L. Quezon sa paunang sesyon ng Kapulungang Pambansa, na mistulang hawak niya at doo'y inilatag niya ang mga priyoridad ng kanyang administrasyon at mga balak na batas. Nahimok niyang maipasa ang mga mahahalagang batas na wala gaanong pagtutol dito. Ito ay matapos niyang bawasan ang kapangyarihan ng Ispiker bilang tagapamunong opisyal na lamang. Ang ilan sa mga unang naisabatas ay ang Batas ng Tanggulang Pambansa ng 1935 na nagtatag ng Hukbong Katihan ng Pilipinas; ang pagbuo ng National Economic Council na magsisilbing lupong tagapayo hinggil sa mga usaping pang-ekonomiya; at ang pagtatag ng Hukuman ng Apelasyon. Tinalakay rin ang mga panukalang-batas na patungkol sa ekonomiya, pati na rin ang mga nagbabadyang problema sa pagtatapos ng malayang kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos kapag nagsarili na ang bansa, ang pagtatakda ng pinakamababang sahod at ang pagpapataw ng mga bagong buwis ay ilan lamang sa mga paksang natalakay.[7]

Karamihan sa mga panukulang-batas na binalangkas ng ehekutibo ay naipasa at ang ilang nagmula mismo sa mga kasapi ng asamblea ay karaniwang navi-veto ni Quezon. Sa mga sesyon ng Unang Kapulungang Pambansa noong 1936, sa 236 na naipasang panukalang-batas, 25 ay na-veto; habang noong sesyon nito noong 1938, 44 sa 105 panukalang-batas ay na-veto dahil sa mga kaukulang depekto nito, kasama rito ang isang naglalayong gawing sapilitan ang pagtuturo ng relihiyon sa mga paaralan — isang malinaw na paglabag sa tadhana ng konstitusyon sa pagkakahiwalay ng Simbahan at ng Estado.[8] Ang malimit na pag-veto ng mga isinasabatas ng tinaguriang "sunud-sunurang" lehislatura[9] ay nag-udyok upang tuligsain nito ang mga patakaran ni Quezon. Nagsimulang igiit ng Asamblea ang kalayaan mula sa ehekutibo. Sa puntong ito, ibinalik ng Kapulungang Pambansa ang mga likas na kapangyarihan ng Ispiker.

Sa panahon ding pinalawig ang karapatang bumoto sa kababaihang Pilipino. Sa isang plebisito ginanap noong 30 Abril 1937, 447,725 na kababaihan ang pumabor para rito, 44,307 naman ang tumutol.[10]

Ang ikalawang halalan para sa Kapulungang Pambansa ay ginanap nong 8 Nobyembre 1938, sa ilalim ng isang batas na nagpahintulot ng block voting,[11] na kumiling sa namumunong Partido Nacionalista. Gaya ng inaasahan, lahat ng 98 puwesto sa Kapulungang Pambansa ay napunta sa mga Nacionalista. Si Jose Yulo na nagsilbing Kalihim ng Katarungan ni Quezon mula 1934-1938 ang nahalal na Ispiker.

Nagsimulang magpasa ng mga batas ang Ikalawang Kapulungang Pambansa na magpapalakas ng ekonomiya, sa kasawiang-palad nagbabadya na Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang ilang batas na ipinasa ng Unang Kapulungang Pambansa ay agarang binago o pinawalang-saysay upang matugunan ang mga nangyayaring kaganapan.[12] Isang kontrobersiyal na batas imigrasyon na taunang naglilimita sa 50 imigrante bawat bansa ang ipinasa noong 1940,[13] na ang tinamaan ay ang mga Tsino at Hapones na lumilikas sa Digmaang Tsino-Hapones. Dahil sumasaklaw ang naturang batas sa ugnayang panlabas, kinailangan nitong aprubahan ng Pangulo ng Estados Unidos na sumang-ayon naman dito. Nang mailathala ang resulta ng census ng 1939, ipinag-ibayo ng Pambasang Asamblea ang paghahati-hati ng mga distritong pambatas na naging batayan ng halalan ng 1941.

Panunumbalik sa dalawang-kapulungang lehislatura

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Hinahadlangan ng Konstitusyon ng 1935 si Quezon na manatiling pangulo pagkalipas ng 1941. Gumawa siya ng mga hakbang upang masusugan ang konstitusyon, kasama rito ang pagbabalik ng dalawang-kamarang lehislatura. Papalitan ang Kapulungang Pambansa ng Kongreso ng Pilipinas, na binubuo ng Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan. Di-gaya ng Senado na itinatag ng Batas Jones (1916 hanggang 1935), kung saan dalawang senador ang ihinahalal mula sa labindalawang distritong pang-Senado na naghahati sa Pilipinas, ang mga susog ng 1940 ay nag-aatas na lahat ng 24 na senador ay ihahalal sa kalahatan. Sila'y salising manunungkulan ng anim na taon, upang bawat dalawang taon, isang-katlo o walong senador ang maaaring mapalitan. Kahalintulad naman ng Kapulungang Pambansa ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay may hanggang 120 kasapi lamang. Ang mga susog ay napaloob sa ilalim ng Resolusyon Blg. 38 na ipinagtibay ng Kapulungang Pambansa noong 15 Setyembre 1939 at rinatipikahan sa isang plebisitio noong 18 Hunyo 1940. Inaprubahan naman ito ng Pangulong Franklin D. Roosevelt ng Estados Unidos noong 2 Disyembre 1940,[14] na nagbigay daan upang buwagin ang Kapulungang Pambansa pagkatapos ng panunungkulan ng mga ihinalal noong 1938 sa 30 Disyembre 1941.

Kapulungang Pambansa ng Ikalawang Republika

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nagdistiyero ang pamahalaang Komonwelt sa Washington, D.C. sa paanyaya ni Pang. Roosevelt.[15] Nasakop ng mga Hapones ang Maynila noong 2 Enero 1942 at di-nagtagal itinatag ang Japanese Military Administration upang palitan ang nadistiyerong pamahalaang Komonwelt. Ginamit nito ang mga nanatiling pangasiwaang pampamahalaan at sapilitang pinagbuo ng isang pamahalaan ang mga natirang matataas na opisyal ng Komonwelt.[16] Upang makuha ang suporta ng mga Pilipino para sa Hapon at sa pakikidigma nito, ipinangako ng walang iba kung hindi si Punong Ministro ng Hapon na si Hideki Tojo ang pagpapaaga sa kasarinlan ng Pilipinas, na mas maaga pa kaysa sa itinakda ng Batas Tydings-McDuffie.[17] Ngunit bago pa man it matamo kinakailangang magpatibay ng isang bagong konstitusyon. Nagbalangkas ng isang konstitusyon ang Preparatory Commission for Philippine Independence na kinilalang Konstitusyon ng 1943. Itinadhana nito ang isang-kapulungang Kapulungang Pambansa na bubuuin ng mga gobernador ng mga lalawigan at alkalde ng mga lungsod bilang mga ex-officiong kagawad at mga halal na kinatawan mula sa bawat lalawigan at lungsod na manunungkulan ng tatlong taon.[18] Kahit pang ginawa itong mas mababa sa ehekutibo, tinataglay ng Kapulungang Pambansa ang kapangyarihang maghalal ng Pangulo, na siya namang magtatalaga ng mga gobernador ng mga lalawigan at alkalde ng mga lungsod, na nagtitiyak ng kanyang kontrol sa lehislatura.

Nagpulong ang Kapulungang Pambansa

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nagtalumpati si Jorge B. Vargas, tagapangulo ng Philippine Executive Commission noong 25 Setyembre 1943 sa Kapulungang Pambansa sa sesyon nito bago ang pagpahayag ng kasarinlan, kung saan ang Direktor-Heneral ng KALIBAPI na si Benigno Aquino, Sr. ng Tarlac, na nanilbihang Kalihim ng Pagsasaka sa pamahalaang Komonwelt ay nahalal na Ispiker ng Kapulungang Pambansa. Sa kabilang banda, ang dating Kalihim ng Katarungan at Tumatayong Punong Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman na si Jose P. Laurel ay ihinalal na Pangulo ng malapit nang maging malayang Republika ng Pilipinas. Isinaayos din ng Kapulungang Pambansa ang 66 komite nito.

Sa wakas ipinahayag ang kasarinlan ng Pilipinas noong 14 Oktubre 1943. Ipinatawag ni Laurel ang Kapulungang Pambansa sa isang tanging sesyon mula Oktubre 17 hanggang 23, upang magpasa ng mga resolusyong tumatanaw ng utang na loob sa mga Hapones sa pagkakaloob nito ng kasarinlan. Nagpulong ang Kapulungang Pambansa sa una nitong regular na sesyon magmula noong 25 Nobyembre 1943 hanggang 2 Pebrero 1944. Nagpasa ito ng 66 na panukalang-batas at 23 resolusyon, na sumasaklaw sa pagtatag ng mga bagong ahensiya ng pamahalaan upang matugunan ang mga umiiral na suliranin at kalagayan noong panahon ng digmaan at iba pang suliranin na hindi natugunan noong panahon ng Komonwelt. At dahil gumaganap na bilang isang malayang estado ang Pilipinas, itinatag ng Kapulungang Pambansa ang Ministri ng Ugnayang Panlabas at Bangko Sentral. Binigyan din nito ng karagdagang kapangyarihan ang Pangulo, kagaya ng mga ibinigay kay Quezon ng Kapulungang Pambansa ng Komonwelt.

Nang matapos ang sesyon nito noong 2 Pebrero 1944, hindi na muli magpupulong ang Kapulungang Pambansa. Nakatakda sana itong magpulong para sa ikalawang regular na sesyon sa 20 Oktubre 1944, ngunit nagsimula na ang kampanya ng puwersang Amerikano upang palayain ang Pilipinas mula sa Hapon nang unang umatake ang mga ito sa Maynila noong 21 Setyembre 1944.[19] Naghudyat ito na hingin ng mga Hapones sa Pilipinas ang pagdeklara ng pakikidigma nito laban sa Estados Unidos. Tinugunan lamang ito nang maabot ang isang kompromiso na walang Pilipino ang paglilingkurin sa hukbong Hapones. Napagtanto ng mga Hapones na walang bisa ang naturang deklarasyon kapag hindi ito iratipika ng Kapulungang Pambansa. Sunod naman itong hiningi na ipatawag ang Kapulungang Pambansa upang gawin ito, ngunit nagmatigas si Laurel na hindi ipatawag ang Kapulungang Pambansa sa isang tanging sesyon. Makalipas ang dalawang araw nang sumuko ang Hapon sa mga Puwersang Alyado noong 15 Agosto 1945, at nang maitatag na muli ang pamahalaang Komonwelt sa Maynila, binuwag ni Laurel na noo'y nasa piitan sa Hapon ang Ikalawang Republika ng Pilipinas.[20] Samantala ang lahat ng batas na naipasa ng Kapulungang Pambansa ng Ikalawang Republika ay ipinawalang-bisa naman sa isang proklamasyon ni Hen. Douglas MacArthur noong 23 Oktubre 1944[21] matapos lamang maitatag-muli ang pamahalaang Komonwelt sa Tacloban.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Talumpati ng Kanyang Kadakilaan, Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa harap ng Gusaling Batasan ng Kapulungang Pambansa, dahil sa kaarawan ng pagpapasinaya sa Republika ng Pilipinas, noong ika-14 ng Oktubre, 1943". Presidential Museum and Library. GOVPH. Inarkibo mula sa orihinal noong 2013-11-28. Nakuha noong 4 Setyembre 2014.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. RMS-GS Interpreter and Translators - Philippines through the Centuries Naka-arkibo 2012-02-07 sa Wayback Machine.. Hinango noong 13 Abril 2007. (sa Ingles)
  3. Chan Robles Virtual Law Library - The Philippine Autonomy Act (Jones Law). Hinango noong 13 Abril 2007. (sa Ingles)
  4. Chan Robles Virtual Law Library - The Philippine Independence Act (Tydings-McDuffie Act). Hinango noong Abril 13 11, 2007. (sa Ingles)
  5. Chan Robles Virtual Law Library - The Philippine Autonomy Act (Jones Law), Sec. 16. Hinango noong 6 Mayo 2007 (sa Ingles)
  6. Senators Profile - Gil Montilla. Hinango noong 13 Abril 2007. (sa Ingles)
  7. American Colonization. Hinango noong 13 Abril 2007. (sa Ingles)
  8. The Philippine Free Press Online - "The Church, 2 Hulyo 1938". Hinango noong 13 Abril 2007. (sa Ingles)
  9. Bureau of Communications Services - Manuel Luis Quezon Naka-arkibo 2012-02-07 sa Wayback Machine.. Hinango noong 15 Abril 2007. (sa Ingles)
  10. A Celebration of Her Story: Filipino Women in Legislation and Politics Naka-arkibo 2008-02-23 sa Wayback Machine.. Hinango noong 13 Abril 2007. (sa Ingles)
  11. Block voting - Philippine Daily Inquirer[patay na link]. Hinango noong 13 Abril 2007. (sa Ingles)
  12. Sinusugan ng Batas Komonwelt (CA) Blg. 494 ang CA 444 "Waluhang Oras na Batas" na nagbigay kapangyarihan sa Pangulo na suspindihin ang batas.
  13. Immigration Act of 1940 (CA No. 613), Sec. 13. Hinango noong 13 Abril 2007 (sa Ingles)
  14. History of the Senate - Senate of the Philippines. Hinango noong 15 Abril 2007. (sa Ingles)
  15. Philippine History, Flags & Presidents. Hinango noong 16 Abril 2007. (sa Ingles)
  16. Japanese Occupation and the Second Republic of the Philippines Naka-arkibo 2007-03-26 sa Wayback Machine.. Hinango noong 16 Abril 2007. (sa Ingles)
  17. TIME - Hirohito is a Little Depressed Naka-arkibo 2012-10-14 sa Wayback Machine.. Hinango noong 13 Abril 2007. (sa Ingles)
  18. Chan Robles Virtual Law Library - 1943 Constitution of the Republic of the Philippines, Article III. Hinango noong 16 Abril 2007. (sa Ingles)
  19. The Tiger and the Rape of Manila. Hinango noong 16 Abril 2007. (sa Ingles)
  20. Remembering Dr. Jose P. Laurel Naka-arkibo 2007-10-23 sa Wayback Machine.. Hinango noong 16 Abril 2007. (sa Ingles)
  21. G.R. No. L-5 17 Setyembre 1945. Hinango noong 6 Mayo 2007. (sa Ingles)