Kaugaliang Pilipino

Ang sistema ng kaugaliang Pilipino ay tumutukoy sa mga kaugalian na ipinapahalaga ng karamihan ng mga Pilipino. Itong sistema ng kaugaliang Pilipino ay may katangi-tanging katipunan ng mga ideolohiya, moralidad, kabutihang asal, wastong kagawian, at kahalagahang personal at kultural na itinatakda ng lipunan. Katulad ng lahat ng lipunan, ang mga pinapahalagahan ng isang indibidwal ay naaapektuhan ng mga salik katulad ng relihiyon, antas ng kabuhayan, at iba pa.

Sa pangkalahatan, nakaugat ang sistema ng kaugaliang Pilipino sa relasyon at pakikipagkapwa, lalung-lalo na ang pakikipagkapwa sa pamilya, mga obligasyon, pakakaibigan, relihiyon (lalo na ang Kristiyanismo), at pangkalakal.

Batayang pampilosopiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga kaugaliang Pilipino ay, sa pangkalahatan, nakatuon sa pananatili ng maayos na pakikipagkapwa, na may hangaring maging kasali ng isang grupo. Ang dalawang konseptong lumilitaw sa ugaling ito ay ang hiya at amor propio. Pagsang-ayon, pagtanggap, at pagsasapi sa isang grupo ay pinag-aalala nang husto ng mga Pilipino. Malaking impluwensiya ang iniisip, sinasabi, at ginagawa ng kanilang kapwa sa ugali ng isang Pilipino.

Ayon kay Leonardo Mercado, isang antropologo, ang pagtignin sa mundo ng mga Pilipino ay hindi maihihiwalay sa dalawang bahagi, o non-dualistic. Batay sa kanyang lingguwistikang pagsusuri ng mga Pilipinong sailta at termino katulad ng "loob", nahinuha niya na ninanais ang mga Pilipino ng pagkakaisa, hindi lang sa kapwa, kundi sa kalikasan at relihiyon, habang nananatiling hindi hiwalay sa iba.

Nahinuha rin ni Florentino Timbreza, isang pilosopong kultural, sa kanyang aklat na pinamagatang Pilosopiyang Pilipino (1982), na ang mga kaugaliang Filipino ay nakabatay sa kabuluhan ng mundo sa tao. Idinidikta ng mga karanasan ng buhay ang pilosopiya ng Pilipino, at naaapektuhan rin ito ng mga ibang bagay, katulad ng salawikain, mga kasabihan, mga kwento at iba pa.

Mga modelo ng kaugaliang Pilipino

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Tinukoy ni F. Landa Jocano at dalawang modelo ng sistema ng kaugaliang Pilipino. Ang una ay ang dayuhang modelo, at ang pangalawa ang katutubong o tradisyunal na modelo. Sinsasabing legal at pormal ang banyagang modelo. Sinasabi namang tradisyunal at di-pormal ang katutubong modelo, pero malalim ang ugat nito sa kamalayan ng mga Pilipino. Ayon kay Virgelio G. Enriquez, mas angkop na pag-aralin ang mga Pilipino gamit ang pananaw ng Pilipino upang maunawaan ito nang lubos, kaya mas-mainam gamitin ang katutubong modelo sa pagsusuri ng kaugaliang Pilipino.

Namana ang banyagang modelo sa mga kanluraning kultura, lalo na ang mga mga Kastila at mga Amerikano. Isang halimbawa ng dayuhang o banyagang impluwensiya ay ang burukrasya sa pamahalaan ng Pilipinas.

Mga elemento at binubuo ng mga kaugaliang Pilipino

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Batay sa mga pananaliksik, pag-aaral, pagsisiyasat, opinyon, anekdota, at iba pang literaturang gawa ng mga eksperto, na nakaugnay sa mga panlipunan o pangunahing kaugalian, kasama na rin ang pagkatao, identidad, at katangian ng mga Pilipino, natagpuan na ang mga Kaugaliang Pilipino ay may likas na elemento. Kabilang dito ang positibong pagtingin na hinaharap, negatibong pagtingin sa kasalukuyang pangyayari, pagmamalasakit sa ibang tao, kabaitan, magiliw na pagtanggap sa mga bisita, pagpapahalaga ng relihiyon, respeto sa sarili at kapwa, respeto sa mga kababaihan, takot sa Diyos, matining kaayawan sa pandaraya at pagnanakaw.

Makikita na ang hiya, pakikisama, at utang loob, mga kaugaliang makikita sa karamihan ng mga Pilipino, ay mga paimbabaw na kaugalian lamang, na nakaugnay sa isang sentrong kaugalian -- kapwa. Ang kapwa ay ang pagkakaisa ng sarili at ng iba, at mayroon itong dalawang kategorya: ibang tao, at hindi ibang tao. Ang mga paimbabaw na kaugalian na ito ay nauugnay sa sentral na kaugaliang Kapwa sa pamamagitan ng pakikiramdam.

Kaugaliang pangsekswalidad

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Parehong babae at lalaki ay inaasaahang maging matino at mabuting miyembro ng lipunan. Parehong babae at lalaki ay inaasahan ding tumulong sa pagpapalaki ng mga bata sa isang pamilya. Naiiba sa bawat pamilya ang papel ng babae at lalaki, kahit sino ang pwedeng magtrabaho, magluto, o tumulong sa bahay, ngunit kadalasan ang mga babae ay inaasahang mag-alaga ng bata at gumawa ng gawaing pambahay, habang ang mga lalaki ay inaasahang magtrabaho at suportahan ang pamilya sa aspetong pinansiyal.

Mga karaniwang kaugaliang Pilipino

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pakikipagkapwa-tao

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ibang-iba ang konsepto ng kapwa sa salitang Ingles na others sapagkat ang kapwa ay ang pagkakaisa ng sarili at ng ibang tao. Ito ang pagtatanggap sa ibang tao bilang kapantay, at katulad. Nakikitungo ang Pilipino sa kapwa na may respeto at dignidad bilang isang tao rin.

Pagiging malapit sa pamilya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa mga kanluraning kultura, inaasahang umalis na sa bahay ng magulang, mamuhay at suportahan ang sarili kapag may edad ng 18 ang isang tao. Iba ang kaugaliang Pilipino: kahit may edad na ang isang Pilipino, namumuhay pa rin siya sa bahay ng kanyang magulang hanggang handang-handa na siyang magkaroon ng sariling pamilya. Kapag matanda na ang magulang at hindi na maalagaan ang sarili, inaasahang sa mga anak na mag-alaga sa kanila, bihira ang "Tahanan para sa mga Matatanda" sa Pilipinas na nakikita sa mga kanluraning lipunan at kultura. Hindi rin pambihira sa kulturang Pilipino ang mga pagtitipon at kainan kasama ang buong angkan. Napakahalaga sa mga Pilipino ang pagiging malapit sa pamilya.

Marunong magbiro ang mga Pilipino sa kahit anong situwasyon. Kahit hindi angkop sa situwasyon ang pagbibiruan, sinasalamin nito ang pagiging masayahin at determinasyon ng mga Pilipino sa harap ng kahirapan. Ginagamit rin ang biro upang maiwasan ang hiya kapag napahiya o may nagawang nakakahiya o kinahihiyaan.

Pakikibagay sa sitwasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Organiko at likas ang konsepto ng oras ng mga Pilipino, ginagawa nila ang mga bagay kapag nararamdaman nila na tamang-tama na ang panahon upang gawin iyon. Hindi sila nakatali sa mga mahigpit sa itinakda (schedule), at nakatuon sila sa kasalukuyan, hindi sa kinabukasan. Nakikibagay ang mga Pilipino sa kanyang situwasyon, kapag may oras para huminga, hihinga siya, at kung kailangan nang magtrabaho, magtatrabaho na siya. Hindi sila mag-aalala sa mga bagay na hindi pa nangyayari, dahil alam nila na kapag dumating na ang oras, makikibagay sila. Mabilis mag-isip ang mga Pilipino at magaling maghanap ng solusyon sa mga problema kahit hinaharap na nila ito.

Pananampalataya at relihiyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Napakahalaga sa mga Pilipino ang kanilang pananampalataya at relihiyon. Kristiyano ang mga 85% ng populasyon sa Pilipinas, at makikita at kahalagahan nitong relihiyon sa dami ng mga pista opisyal, sa siksikan sa mga simbahan tuwing Linggo, hilig ng mga Pilipino sa dasal at Novena, moralidad ng mga Pilipino, mga pista para sa imahe (katulad ng Sto. Nino at mga Santo), at mga malalang ritwal tuwing Semana Santa.

Tibay at lakas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mayaman sa kabiguan at kahirapan ang kasaysayan ng Pilipinas, ngunit nagtagumpay pa rin ang mga Pilipino sa harap ng mga ito. Sinakop na ng ibang bansa, nawasak ng giyera, napasailalim sa batas militar,  pinamahalaan ng mangungurakot, nawasak ng bagyo, at kahit ano pa, hindi sumuko at hindi susuko ang mga Pilipino, at magsusumikap hanggang may mahanap na solusyon sa problema.

Ang lakas ng loob ay isa sa pitong pinakamahalagang katangian na mayroon ang isang Pilipino. Tumutukoy ito sa abilidad ng tao na magpursiga sa halip ng kahirapan, o kamatayan. Ito ay isang napaka-importanteng sangkap sa pagkakamit ng pagbabagong-dangal, at madalas, lumalabas ang lakas ng loob ng isang tao kapag nais niyang ipaglaban ang kanyang dangal. Subalit, hindi lamang ang sariling mga interes ang iniisip kapag tinatalakay ang mga dahilan kung bakit nagpapakita ng lakas ng loob ang mga Pilipino. Dagdag sa unang sinabi na lumalabas ang lakas ng loob ng isang tao para protektahin ang kanyang dangal, maaaring ipaglaban din niya ang katarungan para sa kanyang kapwa. Dahil dito, masasabi na ang lakas ng loob ay isang damdamin, o pangkaloobang pakiramdam, na mahalaga para makamit ang kabutihan para sa lahat.

Mga halimbawa na nagpapakita ng lakas ng loob

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Lumaban si Lapu-Lapu kay Ferdinand Magellan upang protektahan ang mga Pilipino sa puwersa ng mga Kastila. Kahit dehado si Lapu-Lapu sapagkat mas maganda ang mga armas ni Magellan, sumikap siyang subukin pa ring talunin ang Kastila.
  • Nagsama-sama ang mga mayayaman at ang mga mahihirap sa Rebolusyon sa EDSA upang italsik ang dating pangulo na si Ferdinand Marcos. Kahit wala silang armas at mga militar ang katapat nila, sabay-sabay silang pumuntang EDSA upang ipagtanggol ang katarungan at ang kanilang mga karapatan.
  • Nagsulat si Jose Rizal ng kanyang mga librong Noli Me Tangere at El filibusterismo kahit alam niyang na maaari siyang ipapatay ng mga Kastila kung makita nila ito. Dahil sa matapang na aksyon ni Dr. Rizal, nagising ang mga Filipino sa kaapihan na naranasan nila sa ilalim ng mga Kastila, at sinimulan nila ang mga rebolusyon upang makamit ang kalayaan.

Masipag at matiyaga ang mga Pilipino sa mga gawaing determinado nilang tapusin. Makikita ito ong kaugaliang Pilipino sa kanilang mga sakahan. Kahit laos na ang mga teknolohiya at kagamitan ng mga magsasaka, at madalas na nawawasak ang mga bukid dahil sa mga bagyo nagpupursigi pa rin sila para para mamuhay. Malapit sa kamalayang Pilipino ang konsepto ng OFW o Overseas Pilipino Worker na nagsasakrapisyo upang matulungan at masuportahan ang kanilang mga pamilya.

Napakahalaga sa mga Pilipino ang respeto, at makikita ito sa kanilang paggamit ng "po" at "opo". Ang mga bata ay inaasahang makinig at sumunod palagi sa magulang at mas nakatatanda. Inaasahang din silang magmano sa mga mas-nakatatanda. At Kahit may sapat na gulang na ang isang Pilipino, nirerespeto pa rin nila ang mga mungkahi, nais at gusto ng kanyang mga magulang, naiimpluwensiya pa rin ng mga magulang ang mga desisyon ng kanilang mga anak.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Enriquez, V.G. (1976). Sikolohiyang Pilipino: Perspektibo at direksyon. In L.F. Antonio, E.S. Reyes, R.E. Pe & N.R. Almonte (Eds.), Ulat ng unang pambansang kumperensya sa sikolohiyang Pilipino (pp. 221-243). Quezon City: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino.
  • Hallig, Jason V. Communicating Holiness to the Filipinos: Challenges and Needs, The Path to a Filipino Theology of Holiness, on pages 2 and 10,http://didache.nts.edu Naka-arkibo 2011-09-02 sa Wayback Machine..
  • Social Values and Organization, Philippines, country studies.us
  • Chris Rowthorn; Greg Bloom (2006). Philippines. Lonely Planet. ISBN 978-1-74104-289-4.
  • Rolando M. Gripaldo (2005). Filipino cultural traits: Claro R. Ceniza lectures. CRVP. ISBN 978-1-56518-225-7.
  • Talisayon, Serafin. Filipino Values, Chapeter XIII, Teaching Values in the Natural and Physical Sciences in the Philippines, crvp.orgp
  • "Pakikipag-ugnayan sa ibang tao"  - Maggay, Melba (1993). "Pagbabalik-Loob". Moral Recovery and Cultural Reaffirmation.
  • "Will these 10 traditional Holy Week practices survive? | News Feature, News, The Philippine Star | philstar.com". www.philstar.com. Retrieved 2015-12-04.
  • "Life and Times of the Filipino-American: The Resourcefulness of the Filipino". Life and Times of the Filipino-American. 2012-07-10. Retrieved 2015-12-04.
  • "ASIAN JOURNAL | The best traits of Filipinos that we should be proud of". asianjournalusa.com. Retrieved 2015-12-04.
  • MLY. Keynote Speech, City College of San Francisco in the Conference on "The Filipino Family in the 21st Century: Issues and Challenges", ccsf.edu, October 27, 2001
  • Enriquez, V.G. (1994). The Filipinization of Personality Theory. In V.G. Enriquez (Ed.), From Colonial to Liberation Psychology (p. 74). Manila: De La Salle University Press.