Ang bahay kubo (Ingles: nipa hut) o kubo ay isang tradisyonal na bahay sa Pilipinas. Kinikilala ang bahay kubo bilang pambansang bahay ng Pilipinas. Ito ay gawa sa lokal na mga materyales, ang dingding nito ay kadalasang gawa sa kawayan, kahoy, kogon o pawid at ang bubong sa dahon ng nipa o anahaw.[1] Angkop ito laban sa hangin at ulan, dahil magaan ito at kung masira man ay madaling palitan.
Ang bahay kubo ay ang kauna-unahang bahay ng mga katutubong Pilipino bago dumating ang mga Espanyol. Madalas na makikita ito sa bukirin ng may iba't-ibang disenyo ng arkitektura ayon sa nais ng iba't-ibang kultura sa bansa.
Napapasailalim ang bahay kubo sa arkitekturang Austronesyo. Ito ang dahilan kung bakit mayroon ring ibang bersyon ng bahay kubo na matatagpuan sa karatig bansa tulad ng Indonesia, Malaysia, Palau, at ang Mga Pulo ng Pasipiko.
Ang salitang bahay kubo ay mula sa dalawang salita. Ang "bahay" ay nanggaling sa Proto-Malayo-Polinesyo na balay o pampublikong estruktura,[2] at "kubo" na galing din sa katagang Proto-Malayo-Polinesyong kubu o iisang kwarto.[3]
Mayroong tatlong Ingles na salita para sa bahay kubo: nipa hut, nipa shack at cube house. Ang cube house ay maaring nagmula sa wikang Espanyol na cubo.[4] Ang nipa hut at nipa shack naman ay nabigyang pansin noong Panahon ng Pananakop ng mga Amerikano, mula sa kanilang materyales. Ginamit rin ang wikang nipa "shack" para mabigyang diin ang mababang antas ng mga Pilipino noong inilunsad ang programang "Benevolent Assimilation Proclamation" (Proklamasyon ng Mapagkawanggawa Asimilasyon).[5]
Iba-iba ang laki ng bahay kubo, madalas itong mayroong parisukat na hugis. Ang isa o dalawang silid ay isang malaking espasyo na ginagamit bilang sala, kusina at silid-tulugan. Karaniwan na ang tanging nakahiwalay na silid o celda ay ginagamit sa pagsantabi ng mahalagang kagamitan o pangpribadong gawain (e.g. pagligo, pagpalit ng damit).[4]
Ang haligi ay yari sa malalaki at matitigas na kahoy. Ang mga ito ay nakabaon nang may tatlong talampakan ang ilalim sa lupa at nakapatong sa malaking patag na bato. Nilalagyan din ng bato ang paligid ng haligi upang maging matatag ito. Mga maiikling poste na umaabot sa sahig ang inilalagay sa ilalim ng bahay bilang dagdag suporta.
Bukod sa pagkakaroon ng bawat haligi upang maiwasan ang basang lupa, baha at pagpasok ng peste at hayop sa bahay kubo, mayroon ring silong ang mga ito upang mabigyang lugar ang mga alagang hayop at ang pangaraw-araw na mga kagamitan.
Kalaunan ay nagamit ang mga katangiang ito sa pagsasagawa ng bahay na bato. Ang nakaangat na espasyo ay napanatili at ang zaguan ay ang silong na ginamit parin sa pagsantabi ng mga kagamitan at karwahe.[4]
Ang pangloob na dingding ng bahay kubo ay maaring maging gawa sa amakan na tinatawag ring sawali o kalakat. Tradisyonal na inihabi mula sa kawayan, mayroong itong iba't ibang disenyo tulad ng paliku-liko, pahiris at hugis diyamante.
Likas na ginagamit ang materyales na ito sa bahay kubo dahil sa gaan at dali ng pagpasok at paglabas ng hangin. Nabibigyang balanse rin ng dingding na ito ang presyon dala ng malakas na hangin tuwing bumabagyo.[6]
Bago magamit ang amakan, nangangailangan ito ng pangunahing paghahanda bago mai-pako sa kahoy o kawayan na dingding. Kadalasan sa pamamagitan ito ng pagbabad sa tubig alat at pagbilad sa araw.[7]
Ang dungawan o bintana ay ang parte ng bahay kubo na nagpapasok ng liwanag at hangin. Sa kasalukuyang panahon, iba-iba ang estilo nito. Ang tradisyonal na dungawan ay isang malaking bintana na may tukod sa bukasan. Sa ibang kabahayan, padulas na ang estilo ng bintana at kadalasan gawa ito sa simpleng kahoy o magarbong lampirong o kabibing capiz.
Makikita pa rin ang impluwensiya ng dungawan sa mga bahay na bato, partikular sa mga ventanilla o maliit na bintana.
Ang bahay na kubo ay pamagat sa katutubong awitin na "Bahay Kubo" na kung saan isinasalarawan ang isang munting bahay kubo na napapaligiran my sari-saring halaman. Bagaman "Bahay Kubo" ang pamagat ng awitin, mas nakatuon ang paksa ng awitin sa iba't ibang tanim sa paligid ng bahay kubo. Inaawit ito ng ilang mang-aawit kabilang na si Sylvia La Torre noong 1966. Ito ay paboritong awitin ng mga batang Pilipino.
Sinasabing si William Le Baron Jenney, isang Amerikanong arkitekto at inhinyero, ay napadako ng Pilipinas ng tatlong buwan, taong 1850.[8][9] Nakita niya sa kanyang bisita ang isang bahay kubo sa kalagitnaan ng bagyo at napaghalataan niya kung gaano ka-gaan at nababagay ito sa anumang panahon. Nabigyan siya ng inspirasyon na gayahin ito noong 1879 habang siya ay gumagawa ng kauna-unahang gusaling mag magaan.
Kalaunan naisama niya ang konsepto na ito noong 1884, sa kanyang pagsasagawa ng Gusaling Home Insurance sa Chicago. Ito naman ay nakilala bilang unang napakataas na gusali (o skyscraper) na naka-metal na kuwadro sa Estados Unidos. Dahil rito, nakilala si Jenney bilang "Ama ng Modernong Amerikanong Skyscraper", na sa hanggang ngayon ay ginagamit paring modelo ng mga modernong skyscraper sa buong mundo.
Sinasabing ang bahay kubo ay nagbigay inspirasyon sa mga lokal na arkitekto tulad nina Francisco Mañosa at Leandro Locsin na nagsama ng mga disenyo sa kanilang pagsasagawa ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, National Arts Center, Coconut Palace, at estasyon ng Light Rail Transit.[10]
Dahil sa impluwensiya ng arkitekturang Austronesian sa disenyo ng bahay kubo, maari rin tayong makakita ng ibang halimbawa ng katutubong arkitekturang pang-Austronesyo sa Pilipinas tulad ng: fayu at katyufong sa Bontoc; bale at abong ng mga Ifugao; binayon ng Kalinga; binangiyan ng Kankanai; jin-jin ng mga Ibatan; baley ng mga Matigsalug; binanwa ng Ata; bolloy ng Klata; baoy ng Ovu-Manuvo; bale ng mga Bagobo Tagabawa; bong-gumne ng Blaan; uyaanan ng Mansaka; gunu-bong ng T'boli; lawig, mala-a-walai, langgal, lamin at torogan ng mga Maranao; bay-sinug ng Tausug; lumah ng Yakan; at iba pa.
{{cite web}}
: CS1 maint: url-status (link)
{{cite web}}
: CS1 maint: url-status (link)