Ang lutuing may karneng baboy at mga munggo o lutuing may baboy at monggo ay isang nilutong pagkain na gumagamit ng mga karning baboy at mga munggo bilang pangunahing mga sangkap. Kabilang sa mga lutuing may karneng baboy at mga munggo ang mga ipinagbibiling nasa lata na pinasimulan sa Estados Unidos at ang mga nagmula sa Espanyang fabada asturiana at olla podrida.[1][2] Karaniwang naglalaman ng sinabawang mga munggong hinaluan ng karne ng baboy o taba ng karneng baboy ang mga delatang may tatak na pork and beans. Sa kasalukuyan, hinahaluan din ito ng mga kamatis, isang kaunlaran sa resipin nagsimula noong ika-19 daantaon. Inihahanda ang pagkaing ito sa pamamagitan ng pagbubukas ng lata, isinasalin sa lutuan o mangkok. Iniinit ang nilagay sa lutuan sa ibabaw ng kalan, samantalang pina-iinit ang nasa mangkok o ibang naaangkop na lalagyan sa loob ng isang hurnuhan.
Bagaman hindi malinaw kung kailan at saan nalikha ang pagkaing ito, kasama na ito sa mga pagkaing panghapag sa Amerika noong mga kalagitnaan ng 1800. Mayroon lamang tatlong sangkap na nakatala para sa pagluluto nito mula sa The American Frugal Housewife, isang aklat na pangpagluluto noong 1832: isang bahagi ng mga munggo, isang libra ng karneng baboy, at paminta.[3] Ayon sa kompanyang Conagra Foods, ipinagbibilit ni Frank Van Camp ang lutuing may karning baboy at mga munggo na may kamatis sa mga sundalo ng hukbong katihan ng Estados Unidos noong panahon ng Amerikanong Digmaang Sibil.[4] Ayon sa Better Homes and Garden Heritage Cookbook noong 1975, ang nakalatang lutuing may karneng baboy at mga munggo ang unang convenience food o pagkain ng ginhawa (sapagkat nakalata at bubuksan na lamang para tuwirang kainin o iinitin muna), ngunit isa rin itong pagkaing pangkalakalan at nakalata na nilalarawan naglalaman lamang ng napakakaunting mga hiwa ng karneng baboy.[5] Bilang karagdagan sa kasaysayan ng lutuing ito, ipinagbibili na nga ang mga pangkalakal na mga delatang karneng baboy at mga munggo noong mga 1880, subalit naging lubos lamang ang katanyagan nito nang maglabas ng sariling bersyon ng lutuin ang kompanya ni Henry John Heinz noong 1895.[6]
Isang mayamang nilagang lutuing may mga munggo ang fabada asturiana - o fabada lamang - na orihinal na nagmula at karaniwang matatagpuan sa Asturyas, Espanya, ngunit malawakang inihahain din sa buong Espanya at sa mga bahay-kainang Kastila ng mundo. Sinangkapan ng mga pinatuyo at malalaking mga puting munggong tinatawag na fabes, karne mula sa balikat ng baboy (tinatawag nilang lacón), maitim na longganisang may dugo ng baboy, (ang morcilla), tinimplahang mga soriso (chorizo), kasubha (azafran), at mga panimpla't pampalasa. Kaugnay ng fabada ang isa ring lutuing may karneng baboy at mga munggo sa katimugang Pransiya, ang cassoulet. Sa fabada, binababad muna ng isang gabi ang mga munggo bago gamitin sa pagluluto ng putahe. Isang mabigat o nakabubusog na lutuin ang fabada kung kaya't kalimitang kinakain lamang tuwing tanghalian, na karaniwang hinahaing kasabay ng tinapay at katas ng mansanas (tinatawag na cider sa Ingles). Isang pangkaraniwang sabaw ang fabada sa mga lutuing Kubano at Kubanong Amerikano.
Nakaugaliang inihahanda ang olla podrida sa Espanya habang nasa loob ng isang palayok sa loob ng ilang mga oras. Kinakain ito bilang pangunahing pagkain sa hanay ng mga lutuin, minsan bilang nag-iisang putahe at minsan ding may mga magkakahiwalay na mga sangkap, kung saan nakahiwalay ang mga karne mula sa ibang sangkap okay nakahiwalay ang mga likido mula sa mga solido. Sa literal na kahulugan, "bulok na palayok" ang ibig sabihin ng olla podrida, subalit pinalarawan ito ni Miguel de Cervantes kay Sancho Panza, isang matakaw na tauhan sa kaniyang nobelang Don Quixote (unang nalimbag noong 1605), na ginagamitan ng ganitong mga pananalita:
"Tila olla podrida ang platong ito na sumisingaw sa aking harapan, dahil sa pagiging sari-sari ng mga sangkap na mayroon sa ilang mga ollas podridas, hindi ko mapipigilang makatagpo ng malasang ilan at may dulot na kabutihan para sa akin..."[7]
Sa kabuoan, kahawig ito ng oille, isang lutuin sa Pransiyang bantog noong ika-18 daantaon, na kaparis naman ng lutuing olio sa Ingles (huwag itong ikalito sa katawagang Italyano para sa langis).[8] Bagaman nagbabago ang mga karne at gulay na ginagamit sa bawat pook, may makakapal na mga sabaw ang lahat at may mayamang samu't saring mga sangkap. May ilang mga dalubhasa ang nagsasabing hinango ang salitang oille mula sa Kastilang olla podrida ngunit maaaring nagbuhat din ito sa oule, isang salitang ginagamit sa timog-kanlurang Pransiya na oule para ilarawan ang isang palayok kung saan inihahanda ang lutuing ito.[9]
Isang mayamang lutuin ang cassoulet (mula sa Okstino: caçolet [kasuˈlet]) ng Pransiya. Mabagal ang paglalaga ng pagkaing may mga puting munggo (tinatawag nilang haricots blancs, lingots) ito sa timog-kanluran ng Pransiya, na naglalaman din ng karneng baboy, longganisang baboy, gansa (laman at taba), bibe, at maging nga tupa kung minsan, balat ng baboy (tinatawag nilang couennes). Ilan sa mga pinakabantog ang nanggagaling sa mga rehiyon ng Castelnaudary (ang tinatawag na "Kabisera ng Cassoulet"), Toulouse, at Carcassonne. Sa Toulouse, kalimitang karne ng baboy at inihaw na balikat ng tupa ang sangkap. Kahawig ng sa Toulouse ang mula sa Carcassonne ngunit dalawang ulit ang bilang ng sangkap na karne na minsang sinasalitan ng karne ng bibe o pugo. Itinitinda ring nakalata ang mga cassoulet sa Pransiya. Nilututo ang mga cassoulet sa isang bilugin at malalim na palayok o cassole, na sinasabing pinagmulan ng pangalan ng lutuin. Maraming mga nakaugaliang lutuin at gawi sa pagluluto ang may kaugnayan sa cassoulet, partikular na ang pagluluto ng mga munggo habang nasa isang may takip na lutuan, katulad ng feijoada, fabada asturiana, at hinurnong mga munggo o inihaw na mga munggo. Katulad ng cassoulet ang solet ng mga Hunggaryanong-Hudyo at ang solent sa Silangang Europa. Bukod sa pagluluto sa malalim at tinakbang palayok, niluluto rin ang cassoulet bilang isang casserole, o nangangahulugang niluluto at inihahain habang nasa isang casserole o kaserola.[10][11]
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)