Panitikan sa Pilipinas

Malawakang bahagi ng buhay pampanitikan ng mga Pilipino ang nobelang Noli me Tangere (c. 1887) ng kanilang pambansang bayaning si Dr. José Rizal.

Ang Panitikan ng Pilipinas ay pangunahing tumutukoy sa umiiral, umuunlad, at namamayaning uri at anyo ng katutubòng panitikan. Subalit nakakasáma rin dito ang mga panitikang nilikha at ginawa ng mga Pilipinong nása labas ng sariling bansa, sapagkat inakdaan ang mga ito ng mga Pilipino, o ng may-lahing Pilipino sa malawak na nasasakupan ng paksa. Dahil dito, tinatawag ding Panitikang Pilipino[1] ang Panitikan ng Pilipinas.[2] Sa kasalukuyan, tinatawag din itong Panitikang Filipino[3], sapagkat kinabibilangan ng mga likhang pampanitikang nagmula sa at kinabibilangan ng iba’t ibang wika sa Pilipinas.

Mayaman ang Pilipinas sa sari-saring anyo at hubog ng panitikan na naglalarawan sa kalinangan ng mga Pilipino. Kabilang sa mga ito ang kuwentong-bayan, maikling kuwento o maikling katha, sanaysay, tula, dula, nobela, drama, balagtasan, parabula, bugtong, salawikain, kasabihan, pabula, alamat, tanaga, bulong, awiting-bayan, epiko, pelikula, at mga iskrip na pangradyo, pantelebisyon at pampelikula[3][4][5]

Sa bisà ng Proklamasyon Blg. 968, s. 2015., ang "Buwan ng Panitikan ng Pilipinas" ay ipinagdiriwang tuwing buwan ng Abril. Ang Buwan ng Panitikan ng Pilipinas sa taong 2022 ang ikapitong taon ng Pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan na may temang “Muling Pagtuklas sa Karunungang-bayan.”

Kahulugan ng Panitikang Pilipino

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May iba’t ibang mga manunulat at mga dalubahasang Pilipino ang nagbigay ng kahulugan sa panitikan ayon sa kanilang pananaw bilang mamamayan ng Pilipinas. Kabilang sa mga ito sina Jose Arrogante, Zeus Salazar, at Patrocinio V. Villafuerte, bukod pa sa iba.[6]

Noong 1983, para kay Arrogante, isang talaan ng buhay ang panitikan kung saan nagsisiwalat ang isang tao ng mga bagay na kaugnay ng napupuna niyang kulay ng buhay at buhay sa kanyang daigdig na kinabibilangan. Ginagawa ito ng isang tao sa pamamagitan ng malikhain pamamaraan.[6]

Noong 1995, inilarawan ni Salazar ang panitikan bilang isang lakas na nagpapagalaw sa lipunan. Dinagdag pa niyang isa itong kasangkapang makapangyarihan na maaaring magpalaya sa isang ideyang nagpupumiglas upang makawala. Para sa kanya, isa rin itong kakaibang karanasang pantaong natatangi sa sangkatauhan.[6]

Sa bagong tema ng Buwan ng Panitikan sa taong 2022 ay binigyan ng kahulugan ni Dr. Benjamin Mendillo na ang pag-aaral ng panitikan ay muling pagtuklas at PANANARIWA SA ATING KAMALAYANG-BAYAN sa pamamagitan ng mga kathang-bayan na naging bahagi ng ating sensibilidad bilang isang lipunan na humubog at patuloy na humuhubog sa atin at nagpapatibay sa ating identidad bilang isang Pilipino.

Mga katangian ng Panitikang Pilipino

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isang paglalantad ang panitikan ng mga katotohanang panlipunan at ng mga kathang-isip na guni-guni. Hinahaplos nito ang mga sensorya ng tao: ang pantanaw, pandinig, pang-amoy, panlasa, at pandama. Noong 2000, binigyang katangian ito ni Villafuerte bilang isang buhay ngunit payak na salitang dumadaloy sa katawan ng tao. May búhay ang panitikan sapagkat may sarili itong pintig at dugong mainit na dumadaloy sa mga arteryo at bena ng bawat nilalang at ng isang buong lipunan. Sa kasong ito, sa mga Pilipino at sa kanilang lipunang ginagalawan.[6]

Kapag binasa ang panitikan, pinagmumulan ito ng madamdaming emosyon sa isang tao o pangkat ng mga tao, sapagkat sinulat ang mga ito ng kapwa tao.[4]

Sa kasalukuyan, madali at magaang ang pamamaraan ng pagkalat at pagpapamudmod ng panitikan sa Pilipinas. Dahil ito sa makabagong mga kaunlaran sa larangan ng teknolohiya. Bukod sa mga nasusulat na salita sa mga aklat, radyo, at telebisyon, kumakalat din ang panitikan sa pamamagitan ng mga kagamitang elektronika, katulad ng grabador ng tinig at tunog (tape recorder), diskong kompakto (compact disk), plaka, mga tape ng VHS, at mga kompyuter.[3] Dahil sa internet, naging maginhawa at madali ang pagkuha ng impormasyong pampanitikan. Isa nang instrumento ito para sa mga mambabasang Pilipinong may pagpapahalaga at pagmamalaki sa kanilang pinagmulan, kasaysayan, at kalinangan o kultura.[4]

Kahalagahan ng Panitikang Pilipino

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May kaakibat na kahalagan ang panitikan para sa mga Pilipino. Isa itong uri ng mahalagang panlunas na tumutulong sa mga tao upang makapagplano ng sari-sariling mga buhay, upang matugunan ang kanilang mga suliranin, at upang maunawaan ang diwa ng kalikasan ng pagiging makatao. Maaaring mawala o maubos ang mga kayamanan ng isang tao, at maging ang kanyang pagiging makabayan, subalit hindi ang panitikan. Isang halimbawa nito ang pangdadayuhan ng ibang mga Pilipino. Bagaman nilisan nila ang kanilang bayang sinilangan, ang panitikan ang kanilang tulay sa naiwan nilang bansa.[4]

Pag-aaral ng Panitikang Pilipino

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isang malaki at mahalagang bahagi ng edukasyon sa Pilipinas ang pag-aaral at pagkakaroon ng kurikulum na ukol sa panitikang Pilipino.[4] Bilang isang kurso sa paaralan, dalubhasaan, o pamantasan, ginagamitan ang pag-aaral ng Panitikan sa Pilipinas ng makasaysayang pananaw at pagbabalik tanaw sa nakaraan. Sinasaklawan nito ang kasaysayan ng Panitikang Pilipino sa iba't ibang panahong pinagdaanan ng bansang Pilipinas. Sakop din nito ang mga mga uri at anyo ng Panitikang Pilipino, paglinang nito, mga manunulat, mga bayani, at mga mithiin ng sangkabansaan.[1]

Pag-uuring pampanitikan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga paraan ng pag-uuri

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May dalawang paraan ng pag-uuri ng panitikan: ang ayon sa paghahalin at ang ayon sa kaanyuan o anyo.[3]

Ayon sa paghahalin

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May tatlong kabahaging uri ang paraan ng pag-uuri ng panitikan ayon sa paghahalin. Ito ang pasalindila, pasalinsulat, at ang pasalintroniko.[3]

Ang pasalindila ay ang paraan ng paglilipat ng panitikan mula sa dila at bibig ng tao. Noong hindi pa marunong magsulat ang mga ninuno ng mga makabagong Pilipino, binibigkas lamang nila ang mga tula, awit, nobela, epiko, at iba pa. Kalimitang nagtitipun-tipon ang sinaunang mga Pilipino upang pakinggan ang mga salaysayin, paglalahad o pamamayag na ito. Paulit-ulit nilang pinakikinggan ang mga ito upang matanim sa kanilang isipan. Sa ganitong palagiang pakikinig at pagbigkas ng panitikan, nagawa nilang maisalin ang mga ito papunta sa susunod na salinlahi o henerasyon ng mga Pilipino.[3]

Ang pasalinsulat, isinatitik, isinulat, inukit, o iginuhit ng mga ninuno ng pangkasalukuyang panahong mga Pilipino ang kanilang panitikan. Naganap ito noong matutunan nila ang sinaunang abakada o alpabeto, kabilang na ang mas naunang baybayin at mga katulad nito.

Pasalintroniko
[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isang bagong kaparaanan ng pag-uuri ang pansalintroniko, o pagsasalin ng panitikan sa pamamagitan ng mga kagamitang elektroniko na dulot ng teknolohiyang elektronika. Ilan sa mga halimbawa nito ang paggamit ng mga diskong kompakto, plaka, rekorder (tulad ng tape recorder at ng VHS), mga aklat na elektroniko (hindi na binubuklat dahil hindi na yari sa papel, bagkus ay nasa mga elektronikong anyo na), at ang kompyuter.[3]

Ayon sa anyo, ang panitikan ay nahahati sa tatlong uri. Ito ang patula, patuluyan at patanghal.[3]

Nasa anyong patula ang panitikan kung saknungan ito at may taludturan. Katangian ng mga taludtod ng mga tula ang pagkakaroon ng bilang at sukat ng mga pantig at ang pagkakatugma-tugma o pagkakasintunug-tunog ng mga pantig. Subalit mayroon din namang mga panitikang patulang tinatawag na Malaya sapagkat walang bilang, sukat, tugmaan, at pagkakasintunugan ng mga pantig ng taludtod. Mayroong apat na uri ang anyong patula: tulang pasalaysay, tulang paawit o tulang liriko, tulang dula o tulang pantanghalan, at tulang patnigan. May mga uri rin ang bawat isa sa mga ito:[3]

  • Naglalarawan ang tulang pasalaysay ng mga tagpo at pangyayaring mahahalaga sa buhay ng tao. Mayroon itong tatlong mga uri: ang epiko, ang awit at kurido, at ang balad.

Tinatawag na patuluyan ang anyo ng panitikan kung kagaya lamang ng sa pang-araw-araw na paglalahad ang takbo ng pananalitang ginamit ng may-akda. Nahahati sa mga talata o talataan ang mga bungkos ng pangungusap at hindi pasaknong.[3]

Ilan sa mga uri ng anyong patuluyan ang maikling kuwento, sanaysay, nobela o kathangbuhay, at kuwentong bayan. Kinabibilangan ang mga kuwentong bayan ng alamat, mulamat o mito, pabula, kuwentong kababalaghan, kuwentong katatawanan, at palaisipan.[3]

Tinataguriang patanghal ang anyo ng panitikan kung isinasadula ito sa mga entablado, mga bahay, mga bakuran, mga daan, o sa mga naaangkop na mga pook. Mayroon itong mga sangkap na diyalogong nasusulat na maaaring patula o kaya patuluyan ang anyo. Mayroon din itong mga yugto na bumibilang mula sa isa magpahanggang tatlo. Binubuo ng tagpo ang bawat yugto. Sa moro-moro, na isang halimbawa ng panitikang patanghal, tinatawag na kuwadro ang tagpo. Kinakailangang ipalabas ito sa isang tanghalaan o dulaan upang matawag na patanghal.[3]

Sinaunang Panitikang Pilipino

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Katulad ng maraming mga banyagang kabihasnan, mayroon nang panitikan sa Pilipinas noong unang mga kapanahunan.[3][5] Nagbuhat ang panitikan ng Pilipinas mula sa sari-saring mga lipon at pangkat ng mga taong dumating sa mga kapuluan nito. May pagkaka-agwat-agwat na dumating sa sinaunang Pilipinas ang mga Negrito, mga Indones, at mga Malay. Ang baybayin, ang isa sa mga pagpapatibay na mayroon nang sistema ng pagsulat at pasalita sa sinaunang Pilipinas bago pa man dumating ang mga pangkat ng mga dayuhan nagmula sa Kanlurang bahagi ng mundo. Subalit karamihan sa mga naisulat na panitikang katha ng sinaunang mga tao sa Pilipinas ang sinunog ng mga Kastila. Nangabulok at natunaw naman ang ibang naisatitik sa ibabaw lamang ng mga balat ng punong kahoy at mga dahon ng mga halaman.[5]

Paraan ng pagbasa at pagpapaliwanag

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mayroong dalawang pamamaraan ng pagbasa at papaliwanang ng mga tekstong pampanitikan: ang makasaysayan o historikal na paraan at ang pormalistikong kaparaanan.[7]

Paraang historikal

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isang tradisyonal o nakaugaliang paraan sa pagbása at pagpapaliwanag ng mga tekstong pampanitikan. Isa itong metodong nagpapakita ng mga bagay, karanasan, at puwersang pangkasaysayan na nagbigay ng impluwensiya tungo sa paggawa, pagsulat, paghubog, at pag-unlad ng panitikan sa Pilipinas.[7]

Sa ganitong paraan, nagkaroon ng apat na kahatian ang kapanahunang pangkasaysayan ng Pilipinas: ang Panahon ng Pananakop Bago Dumating ang mga Kastila o Pre-Spanish Colonial Period (1400-1600), ang Panahon ng mga Kastila o Spanish Period (1600-1898), Panahon ng mga Amerikano o American Occupation (1898-1946), at ang Pangkasalukuyang Panahon Pagkaraan ng Kolonyalismo o Contemporary Post-colonial Period.[7]

Kaugnay ng panitikang Pilipino, sina Jose Villa Panganiban at Teofilo del Castillo ang unang gumamit ng ganitong paraan upang makamit ang interpretasyon ng panliteraturang mga teksto.[7]

Paraang pormalistiko

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang paraang pormalistiko ay isang pormal at empirikal na pamamaraan ng pagbasa at pagpapaliwanag  – maging pagsulat  – ng tekstong pampanitikan na Dumating sa Pilipinas ang ganitong paraan sa pamamagitan ng Amerikanong sistemang pang-edukasyon.[7]

Sa ganitong paraan, mas detalyado at empirikal (batay sa karanasan, obserbasyon, pagsubok o eksperimento, ayon sa praktikal na karanasan, sa halip na teoriya[8]) ang pamamaraan ng pagbasa ng pampanitikang teksto na may layuning tuklasin ang kung ano talaga ang makapampanitikan o literaryo sa teksto. Nag-iiba-iba ang mga kaparaanan mula sa diin at patutunguhan o direksiyon ng mga gumagamit nito. Kabilang sa pinagtutuonan ng pansin dito ang pagkakaroon ng pagkakaisa o unidad ng katawan ng teksto, o sa madalaing sabi: nakatuon mismo sa pinakateksto.[7]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 Panitikang Pilipino Naka-arkibo 2009-06-20 sa Wayback Machine., paglalarawan ng kurso (Course Description, Health Services Management Program), Lorma Colleges, Carlatan, Lungsod ng San Fernando, Lorma.edu, nakuha noong 25 Abril 2009.
  2. Sauco, Consolacion P. Panitikan ng Pilipinas, Panrehiyon (PDF), Goodwill Trading Co., Inc., ISBN 971-574-081-2, ISBN 978-971-574-081-4
  3. 3.00 3.01 3.02 3.03 3.04 3.05 3.06 3.07 3.08 3.09 3.10 3.11 3.12 3.13 Panitikang Filipino Naka-arkibo 2009-01-24 sa Wayback Machine., Tungkol Saan ang Modyul na Ito? at iba pa, Wikispaces.com, pahina 1-51, nakuha noong 25 Abril 2009.
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 Panitikang Pilipino, Panimula, jheff6.Tripod.com, 2005, nakuha noong 25 Abril 2009.
  5. 5.0 5.1 5.2 Felipz. Panitikan ng Pilipinas Naka-arkibo 2011-08-05 sa Wayback Machine., Pinoy Henyo Beta, PinoyHenyo.com, 2007, nakuha noong 25 Abril 2009.
  6. 6.0 6.1 6.2 6.3 Isau. Panahon ng Nobela Naka-arkibo 2009-04-21 sa Wayback Machine., google.public.translators, nakuha noong 25 Abril 2009.
  7. 7.0 7.1 7.2 7.3 7.4 7.5 Rivas, Virgilio Aquino. Continuation from Literary Approaches by Virgilio Rivas, Kafka’s Ruminations, An Instructional Tool in Teaching Philosophy and Related Disciplines, Daily/Weekly Personal Journal, 27 Hulyo 2006.
  8. Gaboy, Luciano L. Empirical - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.