Ang Urikohime, Uriko-hime o Uriko Hime (うりこひめ; Tagalog: Prinsesa Melon,[1] Kasambahay Melon,[2] o Prinsesang Melon) ay isang kuwentong-pambayan ng Hapon tungkol sa isang batang babae na ipinanganak mula sa isang melon, inampon ng isang pamilya at pinalitan ng isang nilalang na nagngangalang Amanojaku.
Dumating ang isang melon na rumaragasa sa batis hanggang sa matagpuan ito ng isang mag-asawa. Pinutol nila ang prutas at lumabas ang isang batang babae. Pinangalanan nila siyang Urikohime (ang uri ay nangangahulugang "melon" sa Hapones).[3] Pinalaki nila siya at siya ay naging isang magandang binibini. Isang araw, naiwan siyang mag-isa sa bahay at sinabihang mag-ingat sa sinumang estranghero na kumakatok. Sa kasamaang palad, isang yōkai na nagngangalang Amanojaku ang tumitingin sa babae. Lumilitaw ang nilalang sa kaniyang bahay at hiniling sa batang babae na buksan. Binuksan niya ng kaunti ang pinto at pilit na pinapasok ng nilalang sa kaniyang bahay.[4]
Sa isang bersiyon ng kuwento, pinatay ni Amanojaku si Urikohime at isinusuot ang kaniyang balat.[5] Pinalitan ng nilalang si Urikohime bilang anak ng mag-asawa, ngunit ang pagbabalatkayo nito ay nasira nang ang batang babae, na muling nagkatawang-tao bilang isang maliit na ibon, ay nagpahayag ng panlilinlang at kalaunan ay nabawi ang kaniyang anyo ng tao.[6]
Sa isa pang kuwento, nakilala si Urikohime sa kaniyang mahusay na kakayahan sa paghabi. Dahil dito, siya ay napangasawa sa isang panginoon o prinsipe. Bago siya magpakasal, pinatay siya ni Amanojaku at isinuot ang kaniyang damit, o itinali siya sa isang puno ng persimmon. Ang huwad na nobya ay dinala sa kasal sa isang palanquin, ngunit natuklasan ang pandaraya. Sa bersiyon kung saan siya nakatali, si Urikohime ay sumisigaw sa sinumang makarinig at nailigtas. Ang nilalang ay itinaboy.[7][8]
Ang iskolar na si Kunio Yanagita ay nagpahiwatig ng mga kahaliling pangalan sa kuwento: Urikohimeko, Urihime, Urihimeko.[9]
Ayon sa mga notasyon ng folkloristang Hapones na si Keigo Seki, ilang mga pagkakaiba ang naitala sa mga pagtitipong Hapones.[10] Ang mga karagdagang pag-aaral ay nagpapakita na ang kuwento ay matatagpuan sa buong kapuluan ng Hapon.[11][12] Ang taluntunan ng Hapones na kuwento ni Hiroko Ikeda ay naglilista ng 102 na bersiyon ng kuwento.[13]
Ayon kay Fanny Hagin Mayer, "karamihan sa mga bersiyon" ng kuwento ay nagtatapos sa isang kalunos-lunos na tala, ngunit ang lahat ay tila nagpapahiwatig ng mahusay na mga kasanayan sa paghabi ni Urikohime.[14] Inilista ng iskolar na si Kunio Yanagita ang kuwentong Nishiki Chōja bilang isang bersiyon ng kuwentong naglalaman ng masayang pagtatapos.[15]